Advertisers
Ang puso at isipan ko ay muling dumanas ng kalungkutan sa nakita kong sabay-sabay na paggunita ng mga Filipinong nawalan ng mahal sa buhay dahil pinaslang ng mga pulahan.
Dahil nga ipinagbawal ang maramihang pagtitipon sa mga libingan upang maiwasan pang muli ang pagkalat ng virus na nakamamatay na COVID-19 sa araw ng mga patay at kaluluwa, minarapat ng mga Filipinong tumututol sa kabuktutan ng mga pulahan at maging ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay naglaho na lamang dahil sa nahikayat na umanib sa pulahan, nagtipon-tipon ito sa tatlong lugar sa kamaynilaan upang pawiin ang lumbay ng pagkakaulila sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ginanap noong Miyerkules (Oktubre 28) sa Plaza Miranda, Arko sa Mendiola at Morayta na ngayon ay Nicanor Reyes Street na, ang sama-samang “candle lightning” o pagtitirik ng kandila ay idinaos para sa mga nawalang mahal sa buhay at wakasan na ang pagmamalabis ng mga pulahan.
Ang mga pulahan kong tinutukoy ay ang mga kasapi ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na pawang mga teroristang-komunista.
Sa pagtitirik ng kandila para sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay, dinaluhan ito ng mga miyembro ng League of Parents in the Philippines (LPP), Liga Independencia Filipinas (LIF), League of Youth for Peace Advancement (LYPAD), Coalition for Peace (COPA) at Hands Off Our Children, kabilang ang mga magulang ng mga estudyanteng nahikayat na sumanib sa CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng mga militanteng grupo kuno, at napaslang lamang dahil sa armadong pakikipaglaban sa pamahalaan.
Nanawagan na rin ang mga grupo na hindi kailanman dapat malimutan ang ginawang karahasan ng CPP-NPA-NDF sa ating mga inosenteng kababayan sa mga kanayunan at maging sa mismong mga mahal nila sa buhay. Kaya sumisigaw na rin sila na wakasan na ang matagal ng rebelyong tinatawag ng mga teroristang-komunista.
Ang mga namatay sa pangbo-bomba sa Plaza Miranda at Mendiola Massacre ay isa lamang anila na paalala sa karumal-dumal na mga gawain ng teroristang-komunista na siyang sumisira sa ating bayan at sa murang kaisipan ng ating mga kabataan.
Ang mga miyembro naman ng Hands Off Our Children na mga magulang ng mga kabataang na-recruit ng mga pulahan ay nanawagan din sa CPP-NPA-NDF na tigilan na ang panghihikayat sa mga kabataan na ginagamit lamang ng mga pulahan sa kanilang politikal na interes.
Patuloy daw nilang isisiwalat ang mga kabuktutan ng teroristang-komunistang samahan sa pangloloko sa ating mga kabataan na sumanib sa kanila, gamit ang mga militantneg grupo na front lamang ng mga pulahan.
Ang mga front na militanteng organisasyon ng mga kabataan, anila ay nagawa pang samantalahin ang panahon ng pandemiya upang makapanghikayat ng kanilang mga anak.
Masakit naman talaga ang mawalan ng minamahal na anak, na iyong inalagaan at pinalaki na maging isang mabuting mamamayan at maaagaw lamang ng samahang may dala-dalang maling paniniwala. Mas masakit lalo ang mabalitaan o makitang muli ang mahal mong anak na bangkay na, dahil ginamit na ng CPP-NPA-NDF sa kanilang armadong pakikipaglaban sa pamahalaan.
Ngunit nagbago na ang panahon, tanga na lamang ang malilinlang ng mga pulahan sa kanilang pagpapanggap na militante at sa tinatawag nilang armadong pakikibaka. Sama-sama natin itong lalabanan.
Hindi na ngayon pinakikinggan ang panig ng kausap na may tangan na armas. Ito ay pagpapakita lamang ng kaduwagan. Maging ang maling paniniwala ng pulahan ay unti-unti nang nalulusaw dahil sa kanilang kaduwagan at unti-unti rin natatauhan ang karamihan sa kanila na mali pala ang kanilang nasalihang samahan ng komunistang-terorista.