Advertisers
MASYADO tayong naaliw sa halalan sa Estados Unidos. Habang nagtatagisan ng galing si Joe Biden at Donald Trump, kapansin-pansin ang kawalan ng galaw sa anti-corruption campaign ni Rodrigo Duterte at anti-corruption task force ni Menardo Guevarra. Kumilos nga ba ang task force sa nakalipas na humigit-kumulang na dalawang linggo? Mayroon bang malinaw na gameplan?
Hindi maalis ang tanong kung ano talaga ang uunahin ng task force dahil naunang sinabi ni Guevarra na ang mga usaping korapsyon na may bilyon na halaga ang unahin. Unahin ba ang usapin ng PhilHealth kung saan nawala ang P15 bilyon? O ang 2019 Southeast Asian Games na kinasasangkutan ng humigit-kumulang na P11 bilyon at ni dating ispiker Alan Peter Cayetano at ang alyado niyang si Bambol Tolentino at ilang mga sports leader?
Noong Lunes ng gabi, iniharap kay Duterte sa Malacañang ang 44 opisyales at empleyado ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) na kasangkot umano sa iskandalong “pastillas” upang mapapasok ang mga Chinese mainlander kapalit ng salapi na nakabalot sa pastillas. Plano ni Duterte na pakainin ng pastillas ang mga kasangkot sa iskandalo, ngunit nagpigil umano siya sa sarili bilang paggalang kay Guevarra.
Mukhang hindi sa bilyon nag-umpisa ang kampanya kontra katiwalian ni Duterte. Mukhang inuna ang mga kasangkot na opisyales at empleyado sa iskandalong pastillas. Hindi bilyon ang halaga ng kanilang katiwalian. Sisiw ang iskandalong pastillas kung ihahambing sa iskandalo ng PhilHealth at 2019 SEAG.
Bakit hindi unahin ang alinman sa iskandalo sa PhilHealth o 2019 SEAG? Ito ang katanungan dahil si Guevarra ang nagsabing unahin ang usapin na kinasasangkutan ng bilyon-bilyon piso na ninakaw sa kaban ng bayan. Maaaring nahirapan ang anti-corruption task force ni Guevarra. Hindi biro ang bumuo ng kaso na may kasangkot na bilyon piso.
Maaaring madali ang iskandalo sa pastillas. Madaling ipahiya sa publiko ang mga opisyales at empleyado ng BID, ngunit hindi sila ang tipong makakalaban kay Duterte. O dahil hindi naman sila mga kaalayado ni Duterte na tulad ni Ricardo Morales, ang nagbitiw na pangulo ng PhilHealth, at Cayetano na sinibak ng kanyang kasamahan bilang ispiker ng Kamara de Representante, at mga kaalyado.
Mukhang palabas lang ang kampanya kontra korapsyon ni Duterte. Hindi siya seryoso at tila gusto lang i-good time ng tila nabaliw na lider ang sambayanang Filipino.
***
HINDI pa tapos ang kontrobersiya sa nakaraang halalang pampanguluhan sa Estados Unidos. Mapapansin na pilit gumagawa ng krisis ang kampo ni Donald Trump kahit may projection ang mga media outfit doon na nagwagi si Joe Biden. Pilit na ipinalalabas kahit walang maiharap na solidong batayan na dinaya si Trump. Hindi naman bumabalong ang mga suporta sa mga tangkang ipakita na bigo ang halalan na magkaroon ng naihalal na presidente.
May mga pagtatangka na harangin ang nakatakdang proklamasyon ng Kongreso kay Joe Biden at Kamala Harris. Hindi naman kinakagat ang ganitong pagtatangka sapagkat walang maipakita na sapat na mga ebidensiya ang kampo ni Trump upang baguhin ang resulta ng halalan. Kahit ang mga kilalang kaalyado ni Trump sa Republican Party ay pawang nagsabi ng walang dayaan sa halalan at nagwagi ng maayos si Biden. Walang mangyayari sa kanilang tangka na palabasin na ninakaw kay Trump ang halalan.
Kinalap namin ang mga kaisipan tungkol sa nakaraang halalan sa Estados Unidos. Naririto:
“Trumpism is here to stay – that extremist fringe of a conservative ideology that Trump personifies. But it may be pushing things too far to assume that it will be as vibrant as it demonstrated in the numbers it got in the popular vote, beyond the next few months. Trump’s allies on Capitol Hill, his corporate sponsors, as well as the bulk of his voter support, will also be seeking some degree of political stability when the results are no longer in doubt. And Trump knows it.” – Alex Aquino, netizen
“On January 20, 2021, Trump will immediately face a slew of cases. Evidence has long been prepared; witnesses are ready to testify. His downfall would be like no other.” – Christina Astorga, netizen
“Free at last, free at last, free from four agonizing years of Trump’s bullying, bigotry, lies, racism and divisive leadership.” – Dante Rubio, netizen
***
PAGHIHILOM ng sugat at pagkakaisa ng mga nagkakahati-hati mamamayan ng Estados Unidos ang pakay ng panguluhan ni Joe Biden. Malinaw ang binitiwan mensahe ni Biden sa kanyang talumpati ng ipahayag ang kanyang panalo sa kanyang katunggali. Ngunit patuloy na pinaghahati ni Trump ang bansa.
May babala ang kanyang pamangkin na si Mary Trump. Sinabi niya na dadalhin ni Trump ang Estados Unidos sa kanyang pagbagsak sa poder. Tingnan natin kung kaya ni Trump ang ganyan. Matibay ang mga institusyong demokratiko ng Amerika at hindi matitinag ang sistemang demokratiko ng bansa. Masisira si Trump.
***
MAY magandang tanong si Bise Presidente Leni Robredo tungkol sa pagpupumilit ni Jose Calida na impluwensiyahan ang Korte Supreme tungkol sa pagkatalo ni Bongbong Marcos sa halalan noong 2016: “Hindi trabaho ng SolGen ang ipaglaban at katawanin si BBM. Ang taumbayan ang nagpapasahod kay Calida ngunit siya pa mismo ang nagmungkahi na burahin ang mga boto natin sa ARMM para manalo ang kanyang amo. Kinakatawan o kinokontra ba talaga tayo ni Calida?”
Ani Christina Astorga, isang netizen, sa isang post: “BBM is like a nightmare that keeps coming back. It horrified you last night, and the night before, and the many other nights, that you dread going to sleep.”
Teka nga pala, ibinasura ng Korte Suprema ang kontrobersiyal na mosyon ni BBM na umiwas at lumayo si Mahistrado Marvic Leonen bilang hepe ng panel na tumitingin kung totoong may dayaan sa pagkakahalal ni Robredo noong 2016. Isa ito matinding sampal sa mukha ni BBM na hanggang ngayon ay nagpipilit na siya ang nanalo.