Advertisers
NASAWI ang dalawang menor-de-edad sa mahigit 30 minutong sunog sa isang residential building sa Ususan Taguig, bisperas ng bagong taon.
Bukod sa dalawang nasawi, may tatlo pang nasugatan sa pagkasunog ng AIG, MRB condominium sa Ususan 4:57 ng hapon ng Linggo at na-fire-out 5:27 ng hapon.
Ayon sa Taguig-Bureau of Fire Protection (BFP), napinsala ang tatlong unit ng gusali sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente para matukoy ang sanhi ng sunog.
Samantala, sumiklab din ang sunog sa isang residential area sa Receiver St., Barangay CAA, Las Piñas City, ilang oras bago maghiwalay ang taon.
Idineklarang first alarm ang sunog 8:55 ng gabi at na-fire-out 10:49 ng gabi. Walang nasawi o nasugatan sa insidente.
Hinihinalang kwitis ang dahilan ng sunog na nangyari sa isang bahay sa Valenzuela City sa unang araw ng 2024.
Nangyari ang sunog sa Barangay Arkong Bato, Valenzuela City. Tumagal ang sunog ng 20 minuto bago ito naapula.
Ayon sa barangay captain, may bumagsak na kwitis sa bubong ng bahay na posibleng pinagmulan ng sunog.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang insidente.