Advertisers
SUNUD-SUNOD na naman ngayon ang pang-a-ambush sa mga dati at aktibong pulis pati barangay officials na nasasangkot sa iligal na droga partikular ‘yung mga nabanggit ni Pangulong Rody Duterte sa kanyang narco-list.
Kung naaalala nyo ang ilang barangay officials na magkasunod na pinaslang few months ago at isang dating pulis na inakyat pa sa kanyang roof top sa Maynila kamakailan lang, at ang pinakahuli ay ang opisyal ng PCSO na tinambangan sa Mandaluyong City few days ay mga naakusahan sila sa droga, nasa narcolist ni Pangulong Duterte.
Maging ang mga pinatay na mayors at bgy. officials sa Visayas at Mindanao ay mga isinangkot din sa droga.
Ayon sa aking reliable source, may mga binuong grupo ng mga piling pulis mula sa Visayas at Mindanao na ang trabaho lamang ay pagpaslang sa mga nasa drugs list ni Pangulong Duterte.
Sabi ng source, kung dati ay magka-angkas sa motorsiklo ang liquidation o death squad, ngayon ay mga nagso-solo nalang dahil ipinagbabawal sa protokol ng IATF kontra Covid -19 ang magkaangkas. Ang ibang “hitmen” naman ay gumagamit ng kotse na peke ang plaka.
Kung maaalala ninyo, may napaulat noon na isang Kernel mula sa Visayas ang lider ng death squad. Yun nga yon! Aktibo na naman sila ngayon. Ang mission: Itumba ang mga pulis at politiko na sangkot sa droga.
Wish natin… madale rin nila ang drug lord na si Peter Lim at ang mga Intsik na nagpasok ng ilang bilyones na halaga ng shabu na nadiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City two years ago.
***
Pinagtatalunan ang ‘Hatid Tulong’ ng gobyerno at ang ‘Balik Probinsya’ ni Senador Bong Go.
Magkaiba ang mga programang ito pero parehong libre ang transportasyon.
Ang Hatid Tulong ay para lamang sa mga trabahador na taga-probinsiya na nagtatrabaho dito sa Metro Manila, na nawalan ng trabaho dahil sa pagsara ng mga kumpanya dahil sa lockdown bunga ng Covid-19 pandemic at gusto nang umuwi sa kani-kanilang lalawigan. Sila ang locally stranded individuals (LSIs).
Ang Balik Probinsya naman ay para sa mga nanirahan na dito sa Metro Manila at gusto nang bumalik sa kanilang pinagmulang lalawigan para doon na mamuhay for good.
Maliwanag?
***
Binantaan ni Pangulong Rody Duterte ang Globe Telecom na ipasasara ito kapag hindi pa umigi ang serbisyo nito hanggang Disyembre.
Sabi pa ng Pangulo sa presidente ng Globe na si Ernest Cu, bibitayin niya ito sa Globe tower kapag hindi naayos ang signal ng internet nito.
Naging matapang naman ang sagot ni Cu. Hindi raw ito magagawa ni Duterte. Dahil wala pa namang available tower ang Globe. Hindi pa raw sila nabibigyan ng permit para makapagpatayo.
Grabe kasi ngayon ang red tape sa gobyernong Duterte kaya hindi pa nakakukuha ng permit para sa tower ang Globe.
Ang gusto kasi ng administrasyon ay ang 3rd telco na ‘Dito’ ni Dennis Uy ng Davao City ang makapag-operate. Kaso hindi ito makaporma-porma dahil wala ring mga tower.
Si Dennis Uy ang bagong oligarki ng Duterte administration.
Target nga raw ng Dito na makuha ang towers ng ABS-CBN kaya hindi na-renew ang franchise nito.
Pero mas pinili ng ABS-CBN na mag-shutdown muna kesa isuko ang network sa mangangamkam.
Tutal two years nalang daw at tapos na ang Duterte government. Mismo!