Advertisers
PAGKAKAISA ang panawagan ng ika-46 na nahalal na pangulo ng America na si Democrats Joseph “Joe” Biden sa mga mamamayan ng Estados Unidos.
Pahayag ito ni Biden nitong Sabado, oras sa America nang magbigay siya ng victory speech sa kanyang pagkapanalo sa kanyang nakatunggaling si US President Donald Trump.
Bukod sa nanawagan ito ng pagkakaisa, sinabi rin nito sa kanyang mensahe ang pag-asa at kagalingan.
Sinabi rin ni Biden sa mga supporters ni Trump, na hindi niya ito mga kaaway, na ito aniya ay kapwa niya Americano.
“Let’s give each other a chance,” pahayag nito, urging the country to “lower the temperature.”
“Let this grim era of demonization in America begin to end, here and now, make America respected around the world again”
“Tonight, the whole world is watching America and I believe that at our best America is a beacon for the globe,” ilan lamang sa mga pahayag ni Biden.
Hinggil naman sa COVID-19, na kumitil ng 237,000 Americans, sinabi ni Biden na sa Lunes ay bubuo siya ng task force na pamumunuan ng mga scientist para labanan at sugupin ang naturang virus.
Nabatid na si Biden ang pinakamatandang nahalal na pangulo sa kasaysayan ng America sa edad na 78. Nakatakda ang inagurasyon nito sa Enero 2021 kasama ang pangalawang pangulo nito na si Kamala Harris, isang Indian-American. (Lordeth B. Bonilla)
***
Pres. Duterte at VP Leni nagpaabot ng pagbati kay U.S. President-elect Biden
NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Rodrigo Duterte kay U.S. President-elect Joe Biden.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hangad ng Pangulo ang maayos na pamumuno ni Biden sa Amerika.
Saad pa ni Roque na bagama’t matagal nang matibay ang bilateral relations ng Pilipinas at Amerika, lalo pa itong paiigtingin sa ilalim ng administrasyon ni Biden.
Hangad aniya ng Palasyo na makatrabaho ang administrasyon ni Biden.
Samantala, nagpaabot din ng pagbati si Bise Presidente Leni Robredo kay U.S. President-elect Joe Biden sa pagkapanalo nito sa Presidential race.
Binati rin ni Robredo si Vice President-elect Kamala Harris. Si Harris ang kauna-unahang babaeng Bise Presidente sa Estados Unidos.
Dagdag pa nito, ipapanalangin niya ang tagumpay nina Biden at Harris. (Josephine Patricio/Vanz Fernandez)