Advertisers
Ang pagbubukas ng ekonomiya ang pangunahing naisip ng pamahalaan ni Totoy Kulambo kahit walang nababanaag na linaw laban sa pag-atake ng pandemya sa ating bansa. Ang tanging binabanggit na kailanga’y mabuksan ang kabuhayan sa likod ng panganib ng pandemya.
Matatag ang economic fundamentals ng bansa at unti-unting babangon sa pagkakasadlak sanhi ng pandemya, at mabuting mamatay dito sa halip na sa gutom. Kahit sa antas ng eksperimento, kailangan nating gawin ito upang sumulong ang naghihingalong ekonomiya ng bansa, di ba parang magkasalungat ang mga pahayag.
Subalit walang binabanggit na kung paano o anong uri ng eksperimento ang gagawin basta kailangan buksan ang ekonomiya ng bansa. Parang itinaya sa sugal ang desisyong ito ng pamahalaan na ang bawat Filipino kung paano iingatan ang sarili, matira ang matibay at bahala na ang buhay laban sa pandemya.
Tila ipinagwawalang bahala ng balaking ito ang ating kapakanan pangkalusugan sa walang laman na planong pagbubukas ng ekonomiya. Sa kabila ng panganib na haharapin, ibinabandera na rin ng pamahalaan ni Totoy Kulambo na malawak na ang inaabot ng mass testing ng C19 sa bansa.
Subalit ang mapait dito, karamihan sa nagpapasuri ay ang mga obrero na magbabalik trabaho. Dahil ginawang mandatory ito ng kanilang mga employer bago makabalik sa trabaho, napilitang maglabas ng pera ang mga ito.
Hindi sapat ang medical certificate ng doktor upang makabalik sa trabaho. Kailangan magpa-swab test at ipakita ang resulta na negatibo sa C19, bago pabalikin sa trabaho. Napakalaki ng abala at gastos nito sa hanay ng obrero, dahil sila mismo ang gumagastos dito.
Sa pagsasaliksik nasa P2,000 hanggang P4,000 ang pinakamurang halaga ng Swab Test at makukuha ang resulta sa loob ng apat hanggang pitong araw. Samantala, P12,000.00 ang pinakamahal at makukuha ang resulta sa loob ng isa hanggang tatlong araw. Ang kalakarang ito’y para sa mga obrero o karaniwang tao at hindi sa mga VIP.
Ngunit ang ganitong kaayusan ang bigat na pinapasan ng mga obrero upang makapaghanapbuhay muli. Sa pangangailangan na makabalik-trabaho, tumataya ang mga obrero ng halagang nabanggit sa itaas at kung magpositibo: Wala nang pera, wala pang trabaho.
Ang Swab Testing na paghahanda sa trabaho’y hindi sakop ng Philhealth, kahit magpositibo sa C19 dahil ang layunin ng pagsusuring ginawa’y nakatuon sa pagbabalik trabaho. Malamang, walang endorsement mula sa local government unit (LGU) kaya’t hindi maibabalik ang gastos ng obrero sa Swab Test na ginawa.
Sa ngayon, walang ibinabalik ang Philhealth sa mga gastos ng obrero sa mga pagsuri o check-up sa mga doktor, maliban na lang kung sila ay ma-admit sa ospital. Malinaw na dagdag pasanin ito ng mga obrero kahit tuloy-tuloy ang kanilang kontribusyon sa nasabing ahensya at malalaman mong milyon milyon ang anomalya dito, ano ba yan? Si Juan Pasan Krus puro kalbaryo sa pamahalaan ni Totoy Kulambo.
Silipin natin ang ilang kaganapan sa baba na magbibigay liwanag sa mga nabanggit sa itaas. Isang obrero ang ating nakausap na nagbanggit na naubos ang kanyang nakuhang SAP at ilang naitabi dahil kinailangang magpa-Swab Test upang makabalik sa trabaho.
Kahit mahal, pinili niya ang mas magastos na pagsusuri upang makuha kaagad ang resulta at makabalik sa trabaho. Kampante ang obrero na magnenegatibo sa pagsusuri dahil alam niyang wala naman siyang nararamdaman na kakaiba sa kanyang katawan. Sa ganitong kalakaran, kalembangin natin ang Department of Labor & Employment (DOLE) na ayudahan ang ating mga obrero magbabalik trabaho.
Malaking tulong ito sa pasanin ng mga obrero kung sasagutin muna ng DOLE ang bayad dito. Maari ring magtalaga ng Swab Testing Center ang kagawaran para sa mga obrerong magbabalik trabaho. Puwede ba Secretary Bello?
Sa hanay naman ng mga kawani sa pampublikong sektor, kamakaila’y naglabas ang Civil Service Commission ng isang Memo Circular na pinapayagan ang mga ito na mag-Work from Home ng dalawang araw subalit kinakailangan nilang gumawa ng accomplishment report na maisusumite sa kanilang Human Resource Department o immediate boss.
Magandang pakinggan ito, subalit may isa pang kalatas na inilabas ang Komisyon hinggil sa mga kawaning dadapuan ng pandemya. Sa ‘di inaasahan na dapuan ka ng C19 sa labas ng opisina, magagamit ang mga leave credits hanggang sa ang kawani’y tuluyang gumaling.
At kung maubos man ang leave credits, without pay na ang magiging status. Sa isang banda, ang mga kawani na magkaka-C19 sa loob ng opisina, pinapayagan ng CSC na lumiban ng walang kabawasan sa leave credits. Ang tanong ng mga kawani: Paano nila malalaman kung saan nila nakuha ang pandemya? Gayung pumapasok din sila sa opisina ng tatlo o apat na beses sa loob ng isang linggo.
Kalembangin natin ang CSC, bigyan ninyo ng tono ang mga circular na inilalabas upang hindi malito ang inyong mga kawani. Hindi na nila malaman kung paano haharapin ang laban ng C19, lalo na ang ating mga frontliners, tapos may maririnig na nakalilitong mga kalatas na asintunado sa isa’t isa.
Ayusin ninyo naman. Hilong talilong na ang mga kawani ng gobyerno. Hirap na hirap nang mangalap ang DOH ng mga kawani dahil sa takot sa C19 at may nakalilito pa kayong Memo…. Magpa-Swab nga kayo upang maging suwabe.
Happy Anniversary Alpha Epsilon!!!!!
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com