Advertisers
Patay sa pagkakalunod ang tatlong mga bata na nagkasundo na mag-cutting classes upang maligo sa isang ilog sa Mandug sa Davao City noong Biyernes.
Hindi na naisalba ng mga emergency responders ng Davao City government na naka-base sa Mandug ang buhay ng 13-anyos na si Takie Sanico at mga kaibigang sina Jerick Redula at Kian Bituin, parehong mga 12-anyos.
Kinumpirma ng Davao City Police Office ang insidente.
Mga mag-aaral ng Buhangin Central Elementary School ang tatlo na malayo sa kanilang dinayong ilog sa Purok Sunflower sa Barangay Mandug.
Isang kaklase ng mga nalunod na biktima ang nag-ulat sa mga responders mula sa 911 emergency response contingent ng Davao City local government unit na bigla diumanong tumaas ang level ng tubig sa ilog habang naliligo ang mga biktima kaya sila natangay ng agos nito at naglaho.
Patay na ang tatlong magkakaibigan na natagpuan isa-isa ng mga rescuers sa iba’t-ibang bahagi ng ilog.