Advertisers

Advertisers

Panawagan ni BI-POD Chief Tan sa airlines; papuri sa DTI

0 221

Advertisers

Kudos sa Department of Trade and Industry (DTI) office sa third floor ng Ali Mall sa Quezon City. Napaka-ayos at ligtas sa COVID-19 ng ginawa nilang sistema doon. Partikular kong pinupuri ang pagiging mabilis, magalang at maayos na pagta-trabahong ipinakita nina Madelyne Dacusin at Ma. Sofia Francisco, mga Business Counselors, at Brail Ivan Liwanag.

Bukod sa magaling silang umistima mag-asikaso ng mga customers, maayos silang kausap at maliwanag makipag-usap. Lahat ng tanong ay magalang nilang sinasagot at napaka-tiyaga nilang magpaliwanag.

Sana lahat ng nasa gobyerno ay gaya nila.



***

Mahigpit ang panawagan ni Atty. Candy Tan, Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division chief, sa mga airlines na huwag magsasakay ng mga pasahero patungong Pilipinas kung wala silang wastong visa.

‘Yan ay dahil sa dami ng mga hindi pinapasok kelan lang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nga walang visa. Ganundin sa international airports sa Mactan, Cebu at Clark, Pampanga.

Sabin ni Tan, patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga airlines ukol sa mga polisiyang pinatutupad ng Inter-Agency Task Force o IATF at nagpapasalamat ang BI sa kanilang pakikiisa.

Gayunman, maraming na-exclude o di pinapasok sa bansa at karamihan sa mga ito ay ‘foreign nationals’ na may asawang Pinoy o Pinay at may anak sa bansa pero walang kinakailangang visa. Ang dala lang nila na kadalasan ay marriage certificates o birth certificates ng kanilang mga anak.



Matatandaan na una nang nagkaroon ng ‘restrictions’ sa mga papasok na pasahero bagamat ito ay niluwagan na ng IATF.

Ang mga ‘foreign nationals’ na may visa alinsunod sa Executive Order No. 226, as amended by Republic Act No. 8756, may 47(a)2 visas at mga visa na inisyu ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority at Subic Bay Metropolitan Authority ay pinapayagan na ngayon sa bansa.

Ang ‘foreign nationals’ na may visa alinsunod sa EO 226, as amended by RA 8756 ay ‘’yung mga nagta-trabaho bilang ‘executives’ ng multinational companies sa bansa samantalang ‘yung may 47(a)2 visas naman ay ‘special non-immigrants’ na ang visa ay mula sa Department of Justice. Ang Aurora at Subic-issued visas naman ay nasa ilalim ng ‘special economic zones’.

Ang mga Pilipino, asawa at menor de edad na anak, ‘foreign children with special needs,’ banyagang magulang ng minor Filipinos at banyagang magulang ng mga batang Pilipino na may ‘special needs’ay pinapayagan na.

Pero ang mga pinapayagang pumasok sa ilalim ng tourist status ay hihingan pa din ng entry visa mula sa Philippine embassies o consulates.

Ang mga papasok na pasahero ay kailangan pa ding sumailalim ng regular immigration inspection at magprisinta ng mga dokumento. Dapat ay meron din silang ‘pre-booked accredited quarantine facility’ bago pa dumating.

Niliwanag ni Tan na responsibilidad ng mga airlines na tiyaking may tamang visa ang mga banyaga na papuntang Pilipinas dahil pare-pareho silang mapeperwisyo kapag na-exclude o di pinapasok ang isang pasahero dahil sa maling dokumento.

Bukod kasi sa pagbalikat ng gastos sa pagpapabalik ng pasahero sa pinanggalingan nito, sagot din ng airlines ang ‘accommodation’ ng nasabing pasahero sa airport habang naghihintay ng kanyang flight pabalik.

Kaya dapat, ang mga airlines ay nakatutok sa mga polisiyang inilalabas ng gobyerno maya’t-maya.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.