Advertisers

Advertisers

P10K SA BAWAT PAMILYANG NASUNUGAN SA STA MESA, SAMPALOC, BINONDO – ISKO

0 259

Advertisers

MULING gumawa ng record ang tambalang Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa kasaysayan ng Maynila dahil sa pamamagitan nila ay tumanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P10K ang bawat isang pamilyang nasunugan sa Sta Mesa at Sampaloc upang makapagsimula muli ng kanilang buhay.

Nakatakda ring magbigay ng ganitong halaga sina Moreno at Lacuna sa may 50 pamilyang nawalan ng tirahan sa Binondo bunga ng naganap na sunog noong isang araw.

Ito ay tinatayang nasa kabuuang 814 na pamilya na may katumbas na P8.4 million cash assistance, at siyang pinakamalaking tulong pinansyal na naibigay sa mga nasunugan sa kasaysayan ng lungsod.



Inatasan din ni Moreno na bigyan ng kutson at food packs na naglalaman ng mga pangunahing pagkain ang nasabing bilang ng pamilyang nasunugan kahit pa ang mga ito ay agad na pinakain makaraang dalhin sa mga itinakdang temporary shelters para sa mga ito.

Ayon kay Manila social welfare chief Re Fugoso, ang bilang ng mga naapektuhang pamilya na tumanggap ng tulong na parehong gamit/pagkain at cash mula kay Moreno at Lacuna ay 149 sa Barangay 401 sa Sampaloc at 615 sa Barangay 628 sa Sta. Mesa.

Kasama ring tumulong sa pamamahagi ng tulong ang executive assistant ni Moreno na si Weng Santiago at mga konsehal ng districts 4 at 6.

“Kahit hirap na hirap ang Maynila, mapagpala ang Panginoon. Maraming nagbibigay kaya naman pinipilit naming maging masinop. Anumang singkong duling ,kasingku-singkuhan ay tutunawin ko para sa kapakinabangan ninyo. Gaya ng kompromiso ko nung araw, tao muna bago kalsada. Kaya naitatag ang Asenso Manilenyo, it’s always about the people. Tao ang pinupuhunanan namin,” pahayag ni Moreno sa mga biktima ng sunog.

Bilang kapalit ng tulong na ipinagkaloob ng Lungsod ay umapela si Moreno sa lahat ng mga nasunugan na sundin ang basic health protocols kontra COVID-19, partikular ang pagsusuot ng face masks at kung posible pati ng face shields, dahil aniya nasa paligid lang ang coronavirus.



“Maniningil ako nang konte… baka pwede makisuyo, disiplinahin ninyo ang inyong mga sarili. ‘Wag magbabaka-sakali. Please wear mask.. kung may face shield pa, mas okay,” ayon kay Moreno.

“Iwasan ninyo ang mga kapitbahay ninyong ‘mema’ o me masabi lang. Mas gusto ko kayong buhay dahil gusto ko, makasama kayo sa pangarap namin ni Vice Mayor Honey, di man sa inyo, sa anak o apo ninyo, para sa maaliwalas at panatag na pamumuhay sa lungsod,” dagdag ng alkalde. (ANDI GARCIA)