Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
INAMIN ni Jason Abalos na sobra ang paghanga niya sa namayapang aktor na si Eddie Garcia na kayang gumanap sa kahit anong role, mapa-bida man o kontrabida.
Iyan din ang binigay na rason ni Jason sa story conference ng historical movie na Balangiga 1901 na prodyus ng JF Films at mula sa direksyon ni Danny Marquez, kaya anya niya tinanggap na maging suporta lang sa bidang si Ejay Falcon.
Tsika ng aktor, wala naman daw siyang nakikitang masama sakaling hindi siya ang bida sa naturang pelikula kahit pa ilang proyekto na rin ang pinagbidahan niya at nakatanggap na rin naman ng acting trophy.
Kaya nabanggit ni Jason na peg niya si Manoy Eddie na ilang taon ding namayagpag sa showbiz bago binawian ng buhay.
Wala anyang malaki o maliit na role kay Jason gaya ng namatay na beteranong aktor. Basta ang importante umano ay maganda ang pelikula at makaarte siya nang husto.
Dagdag pa ng aktor, na-bored umano siya sa bahay dahil natengga siya sa kawalan ng raket sa industriya.
Para malibang at kumita, nagbenta online si Jason ng sardinas, tuyo, kape at iba pa. At nang dumating ang offer ng producer ng Balangiga 1901 ay tinanggap niya na agad ito.
Tungkol naman sa kanyang role sa Balangiga 1901, kuwento ni Jason, “Ako rito si Sgt. Pedro Duran. Sobrang interesting ang role ko. Si Ejay (Falcon) straight siyang pulis, Siya ‘yung kapitan ng Balangiga at ako ang sarhento niya pero kasapi rin ako sa katipunan.
“Kumbaga, espiya ako ng mga katipunero,” dagdag pa ng aktor.
Sey pa ni Jason, hindi na raw siya dumaan sa audition para sa kanyang role sa nabanggit na movie. ‘Yung iba kasing nasa cast ay nag-audition pa muna.
“Ang sabi sa akin ni Direk, ako ‘yung last na pinili nila. Siguro, two weeks ago lang,” sabi pa ni Jason.
Sa kasalukuyan ay gumigiling na ang kamera para sa Balangiga 1901 sa pangunguna nga nina Ejay, Jason at iba pang artista. Abangan na lang natin ang pagpapalabas nito sa mga sinehan.