Advertisers

Advertisers

TRAHEDYA

0 691

Advertisers

SI Totoy Kulambo ang trahedyang patuloy na humihila sa ating bansa sa sunod-sunod na trahedya. Ang masakit nito habang hinahambalos ang bansa ng unos, naroon ito sa ilalim ng kanyang magic kulambo, kampanteng naghihilik na tila walang nagaganap na trahedya.

Napakapalad ng bansang ito sa uri ng pinuno na nakaupo dahil kitang-kita na wala itong pag-aalala sa nagaganap. Alam na alam nito kung paano dalhin ang bansa sa walang sawang paghihikahos at paghihirap.

Dagdag pabigat pa ang kawalan ng anumang uri pagkagulat at tila walang malasakit nitong pagharap sa mga usaping bayan. Galit na dinahilan sa kanyang biglang paglaho ang pagdalaw sa puntod ng kanyang mga mahal sa buhay.



Subalit, batid ni Juan Pasan Krus mula nang siya’y umupo sa panguluhan hindi na mabilang ang krisis at trahedya na dinanas ng bansa. At talaga maka panginig laman ang resulta dahil sira na ang kabuhayan ‘di pa mabilang ang mga namatay.

Sa kalamidad na dumadaan sinasalamin nito ang uri ng liderato na mayroon ang isang bansa. Sinusukat ang kakayahan ng namumuno kung paano hinaharap at tinutugunan ng bawat hakbang ang usapin na hinaharap. Pinag-iisipan kung paano lalatagan ng solusyon ang kaganapan at mga pangangailangan ng nasasakupan.

Subalit mas mainam kung plantsado na ang lahat bago pa dumating ang krisis o trahedya. Balik tanawan natin ang mabuting paghahanda na nagawa bago pa dumating ang trahedya.

Natatandaan ba ninyo ang Project Noah, ito ay isang hakbang ng dating pamahalaan upang mapigilan o mabawasan ang pinsala kung meron mang unos na darating sa bansa. Inialerto at inilalatag nito ang mga posibilidad at uri ng unos na pwedeng mangyari sa isang lugar kung meron man.

Ang proyektong ito’y isinantabi ng administrasyon ni Totoy Kulambo sa hindi malamang dahilan. O’ baka talagang hindi kailangan sapagkat siya mismo ang may dala ng daluyong at unos?



Sa totoo lang, may birthmark o balat itong si Totoy Kulambo sa wetpu at sa kasabihan nga ng mga matatanda’y may dalang lasma ang sino mang nagtataglay na dapat iwasan. Dahil maraming kapahamakan ang dinanas at dadanasin pa ng bansa sa pagkakaluklok nito sa Balite ng Malacanan.

Maaaring sa una puwedeng makalusot subalit hindi laging Pasko. Kaya sa marami nating mga kababayan na talaga namang nalansi ng mga inusal nito, ngayon ay sising sisi na bakit nila ito naiboto.

Subalit sa lahat ng delubyong dinala nito sa bansa mayroon pa ring iilan na bulag na walang makitang mali sa kilos at pananalita nito at ito ang mga panatiko. Na kahit biglang nawala ito sa eksena noong bagyong Rolly eh bale wala lang sa mga ito dahil araw ng Linggo.

Pambihirang presidente to, siya na ang hinahanap, galit pa ng lumabas. Bakit TK naputol ba ang panaginip mo?

Sa pagdating ng bagyong Rolly na sinundan ng asawa nito, nasilayang muli natin kung ano ang uri ng pamamahala meron ang pamahalaang ito. Paulit-ulit na lang na sa bawat krisis at trahedya na dumaraan sa bansa talagang walang paghahanda na isinasagawa ang pamahalaan at talagang nangangapa sa bawat kilos.

Hindi alam kung anong gagawin kundi antabayanan ang magiging resulta at epekto ng delubyo sa mga tao. Pikit ang mga mata sa datos ng siyensya at sarado ang mga tenga sa payo ng mga eksperto. Yan ang tatak mayroon ang gobyernong ito.

Sa kabilang banda, kitang-kita ang epekto ng kakulangan ng impormasyon sa paghahanda ng ating mga kababayan. Hindi sapat ang pagpaparating ng mga babala sa mga kababayan natin lalo na ang galing sa pamahalaan.

Karaniwang galing lamang sa social media at mga netizen ang impormasyon na nakalap. Kapos na kapos ang mga balita na naibibigay sa mga tao sa kaganapan lalo na sa mga apektadong lugar.

Maging sa tracking ng bagyo, inaasa ito sa balitang pumapasok sa social media dahil kapos ang mga media network na nag-uulat. Dito makikita ang naubos na pananaw ng mga umayon sa pagpapasara ng ABS-CBN.

Malinaw na ang trahedya sa bansa’y gawa ng kalikasan subalit pinabibigat pa ito ng mga taong namumuno dahil sa kawalan ng plano at inuuna ang pansariling kagalingan para sa usaping pambayan.

Hindi masasabi ng pamahalaang ito na nagsimula sila sa wala dahil ng bumaba ang pinalitang administrasyon, nag-iwan ito ng mga positibong bagay sa aspeto ng pamamahala. Hindi perpekto, subalit meron at kung may kulang punuan para sa kapakanan ng bayan.

Kaya ikaw Totoy Kulambo huwag mag-balat sibuyas, kung ang madla’y naghahanap sa iyo sa panahon ng kanilang pangangailangan, ikasaya mo ito. Ikaw ang kanilang tinitingala kahit hindi ka nakasabit dahil ikaw ang kanilang pinuno.

Bakit ba kailangan pang hanapin ito ba’y palatandaan ng iyong kawalan ng malasakit bilang lider ng bansa? Laging ihanda ang sarili para kay Juan Pasan Krus 24/7 dahil ang iyong presensya ang kanilang hanap.

At sa pagkakataong ito, subukan mong gumawa ng tama at ibalik ang maayos na proyekto na may kahalintulad sa Noah at pangalanan mong Nonah kay D.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com