Advertisers

Advertisers

PNP-Region 1 Director Azurin, palpak sa gambling lords

0 265

Advertisers

PUTOK na putok ngayon ang pangalan ni Brigadier General Rodolfo Azurin, Jr. dahil binabangga nito ang iligal na mga sugal sa kanyang nasasakupan.

Sa buong unang rehiyon, sikat na sikat si Azurin sa Pangasinan dahil marami umano itong napapahuli at napapakulong na mga taong sangkot sa iligal na mga sugal.

Isa sa mga tinatamaan ay ang mga bataan ng isang jueteng lord na si “Tony Bong”.



Nahuhuli ang mga aktibong bataan ni Tony Bong at mga mananaya sa pahuweteng nito dahil sa utos ni Azurin.

Kahit patago ang operasyon ni Tony Bong sa maraming bayan ng Pangasinan ay natunton, nasukol at natiklo pa rin ng mga pulis ang mga tauhan ng nasabng jueteng lord at mga mananaya.

Katunayan, umabot na raw sa 150 tauhan ni Tony Bong at mga mananaya ang nasakote ng mga pulis ng iba’t ibang bayan sa Pangasinan.

Madaling intindihin ang balitang ito.

Ang ibig sabihin lang nito ay masipag at walang sinasanto si Azurin.



Ngunit, kung sisipatin at uunawaing mabuti ang aksyon ni Azurin, palpak ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Region 1.

Ito’y dahil hindi na ipinapahuli ni Azurin si Tony Bong.

Ang 150 kataong nasakote na ay nangangahulugang sadyang piniperwisyo lang ni Azurin si Tony Bong.

Pero, hindi ipinapadakip ng heneral ang nasabing jueteng lord.

Kung totoo, tapat at seryoso si Azurin sa paglaban at pagsugpo sa iligal na sugal sa kanyang nasasakupan ay dapat lang na ipahuli niya itong si Tony Bong.

Biruin n’yo, sobrang tapang at bagsik ni Tony Bong na magpahuweteng gayong napakalimitado ng pagkilos ng mga tao hanggang ngayon dahil patuloy pa rin nananalasa ang coronavirus disease – 2019 (COVID-19).

Alam kong mahigpit ang pamunuan ng pulisya sa Pangasinan hinggil sa implementasyon ng mga alituntunin kontra COVID – 19 alinsunod sa direktiba ni Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar, ang pangalawang pinuno ng PNP.

Bilang pinuno rin ng Joint Task Force COVID Shield, inatasan ni Eleazar ang lahat ng opisyal at kawani ng PNP na tiyaking nasusunod ang mga alituntunin kontra COVID-19, kabilang sa Pangasinan.

Para matigil ang mga taong nagtatrabaho kay Tony Bong at walang tumataya sa pahuweteng nito, ipadakip ni Azurin ang Tony Bong na ito.

Kaya ba ni Azurin banggain si Tony Bong?

Tiyak akong kayang-kaya, kung gugustuhin ni Azurin.

Ang mga hepe ng PNP sa mga rehiyon, lalawigan, distrito at istasyon ay mayroong malaking pondong nakalaan sa intelligence operation nito.

Kaya, kung gagamitin ni Azurin ang pondo upang hagilapin si Tony Bong at iba pang mga gambling lord ay pihadong matutunton ng mga tauhan ng heneral ang kinaroroonan ng nasabing jueteng lord.

Ang isa pang matindi sa iligal na sugal sa Pangasinan ay ang online sabong.

Pokaragat na ‘yan!

Nakarating na pala ang online sabong na ‘yan sa Pangasinan.

Patok ‘yan sa Batangas at Metro Manila.

Si Atong Ang din ba ang may-ari ng online sabong sa Pangasinan, o ibang tao?

Matutumbok ni Azurin ang gambling lord sa iligal na online sabong kung maglalabas ito ng pondo upang maglunsad ng intelligence operation.

Ngunit, kung ayaw ni Azurin ay wala tayong magagawa.

Pupurihin at papalakpakan lamang natin si BG Rodolfo Azurin, Jr. kung kumilos na ito laban kay Tony Bong at sa gambling lord, o sa mga gambling lord, ng online sabong.