Advertisers
MANANATILI sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) habang ang quarantine restriction sa Cebu City ay pinaluwag simula ngayong araw (Agosto 1).
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang public address Biyernes ng umaga.
Ito ay sa kabila ng patuloy na paglobo ng kaso ng 2019 Coronavirus (COVID-19) sa bansa kung saan pinakamataas umano na porsiyento ay naitala sa NCR.
Kasama rin na isinailalim sa GCQ ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City at Zamboanga City.
Kaugnay nito, naglatag ng mga kondisyon ang gobyerno para sa pagpapatupad ng GCQ sa NCR at CALABARZON.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magpapatuloy pa rin ang pagpapatupad ng localized lockdown sa mga brgy. na mayroong mataas na COVID-19 cases.
Kasunod nito, magsasagawa rin ang pamahalaan ng massive targeted testing, intensified tracing at pag-quarantine sa mga close contacts ng mga may COVID-19.
Bukod sa paghuhugas ng kamay, social distancing at pagsusuot ng face mask ay magiging bahagi na rin ng minimum health standards sa Metro Manila at CALABARZON ang pagsusuot ng face shield.
Nauna rito ay nagkasundo ang mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila na muling palawigin ang GCQ dito. Samantala, ang mga nalalabing mga lugar sa bansa ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ). (Vanz Fernnadez/Josephine Patricio)