Advertisers
HINDI pinaligtas ni Bela Padilla ang isang stalker na lagi siyang sinusundan.
Dahil nangangamba sa kanyang seguridad, nagsampa na ng kaso ang aktres kaugnay ng pagha-harass sa kanya ng nasabing stalker.
Nagsampa siya ng kaso laban sa isang lalaking nagtangkang pumunta sa kanyang condominium unit sa Mandaluyong City kamakailan.
Nangyari ang insidente sa premises mismo ng kanyang condominium.
“Merong lalake na parang nagpupumilit umakyat sa unit ko. Dumating na ‘yung barangay, pinakiusapan na siya ng guard tapos ayaw pa ring umalis. Naka-thirty minutes siya sa condo namin, so ang tagal bago siya napaalis,” lahad ni Bela.
May dalawa pang kasama ang lalaking naghihintay umano sa sasakyan.
Pinaghihinalaang isang masugid na tagahanga ni Bela ang lalaking nagpakilala pa bilang boyfriend umano ng aktres.
“Nagsabi siya na kaklase ko raw siya sa Davao. Hindi naman ako ever nag-aral sa Davao. Tapos nag-iba na ‘yung kwento niya. Sinabi niya sa guard na boyfriend ko raw siya. I’ve never met this guy. Don’t come to my house ever again. You’re never invited,” kuwento ng aktres.
Pahayag pa ni Bela, matagal na raw may nanggugulo sa kanya at posibleng ito rin ang lalaking nagtangkang bumisita sa kanyang condo unit.
“Mini-message niya ‘yung hairstylist ko hanggang gabing-gabi na, ang dami niyang sinabi. Alam niya kung saan ako nagte-taping. Alam niya kung saan ako pumupunta. And pinipilit niya talaga, na boyfriend ko siya, nakaka-freak out,” pagbabahagi ng aktres. – (Archie Liao)