Advertisers

Advertisers

KRISIS PANANALAPI

0 496

Advertisers

KALIMUTAN ang muling pagbabalik ng sigla ng pambansang kabuhayan. Pansamantalang isantabi ang natitirang ilusyon sa pag-unlad. Hindi ito mangyayari. Patuloy na haharap ang ekonomiya ng Filipinas sa matinding krisis.

Babagsak ang Gross Domestic Product (GDP) sa -13 or -14 porsiyento sa 2020. Pinakamababa ang Filipinas kung ihahambing sa mga karatig bansa sa Asya. Mananatili ang economic recession sa 2021.

Iigting ang pressure sa 2021 sapagkat kailangan bayaran ang bahagi ng interes at principal na inutang na salapi sa labas at loob ng bansa. Lumobo ang kabuuang utang ng gobyerno. Dahil sa malupit na lockdown na ipinatupad ng gobyerno ni Rodrigo Duterte, halos huminto ang takbo ng kabuhayan. Halos tumigil ang negosyo kung saan nanggaling ang malaking bahagi ng mga buwis na ginagamit ng gobyerno sa mga gastusin.



Walang ginawa ang gobyerno kundi mangutang sa mga nakalipas na buwan. Lampas P3 trilyon ang mauutang para sa taong ito. Uutang ng panibagong P3 trilyon sa 2021. Maaaring lampas P6 trilyon ang mauutang sa 2020 at 2021.

Bababa sa P2.3 trilyon ng uutangin sa 2022, ang taon ng halalang pampanguluhan. Sa maikli, maaaring lumampas sa P15 trilyon ang utang ng gobyerno sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa ika-30 ng Hunyo, 2022.

Aabot sa lampas P9 trilyon ang mauutang ni Duterte, o P1.5 trilyon kada taon sa loob ng anim na taon. Halos P6 trilyon lamang ang utang ng gobyerno ng umupo siya noong 2016.

Kung ihahambing sa gobyerno ni Noynoy Aquino, sobrang tindi ang gobyerno ni Duterte sa pangungutang. Abot P1.37 trilyon ang kabuuan ng inutang ng gobyerno ni PNoy sa loob ng anim na taon.

Sa unang siyam na buwan ng 2020, umabot na sa P2.56 trilyon ang inutang. Lampas P3 trilyon ang kabuuan ng utang sa kasalukuyang taon, ayon sa datos ng Bureau of Treasury.



Nakatakdang ipasa ng Kongreso ang panukalang pambansang budget na P4.51 trilyon sa 2021. Manggagaling sa nakolektang buwis ang isang ikatlo, o 1/3, ang panustos sa budget, at dalawang ikatlo, o 2/3 naman ang utang.

Ang dahilan ng agresibong pangungutang ng gobyerno: Pandemiko. Ani Sonny Dominguez, ang arkitekto ng walang habas na pangungutang, isa sa pinakamalupit ng lockdown sa buong mundo ang ipinataw ni Duterte sa Filipinas.

Humina ang koleksyon ng buwis. Hindi sapat ang nakokolektang buwis. Kaya ang mga utang at uutangin ang magpapatakbo ng gobyerno, aniya. Mangahas mangutang, mangahas mabuhay, sa madaling salita. Ito ang bagong simulain ng kanyang gobyerno.

Pumayag ang ilang bansa at organisasyong multilateral tulad ng Asian Development Bank, World Bank, at Asian Infrastructure Bank, at institusyong bilateral na magpautang dahil sa garantiya na mababayaran sila.

Umiiral pa ang Presidential Decree 1177, ang batas na pinirmahan ng diktador na si Ferdinand Marcos upang obligahin ang national government na maglaan ng salapi upang bayaran ang mga inutang. Sa ilalim ng batas na itinuturing mapang-api, hindi maitatakda ang panukalang pambansang budget kung hindi agaran na babayaran ang mga bayarin sa principal at interes ng mga inutang.

Tinatawag din ito na Automatic Appropriations Law for Debt Servicing. May mga panawagan na alisin o susugan ang PD 1177 ng mapatalsik si Marcos. Walang nangyari sa mga panawagan dahil ito ang alas ng mga nagpapautang. Hindi umano makakautang ang Filipinas kapag inalis ang batas na ito.

Kahit abala ang mga economic manager na pinangungunahan ni Dominguez sa pangungutang sa ibang bansa, tila wala silang programa upang muling buhayin ang sigla ng pambansang ekonomiya. Walang binabanggit na anumang plano, programa, o target upang bigyan ng bagong ningas ang naghihingalong kabuhayan. Tanging ang susunod na salansan ng utang ang inatupag ng mga economic manager.

Tama ang ilang tagamasid sa kanilang sapantaha na hindi kumilos ang administrasyon ni Duterte upang harapin ang napilay na pambansang kabuhayan. Inuna ang usapin sa pagsasara ng ABS-CBN, ang pagpapakulong kay Maria Ressa sa salang cyberlibel (kahit hindi nagawa) at pagpasa sa mapang-aping Terror Law. Mas inatupag ang away ni Alan Peter Cayetano at Lord Alan Velasco sa usapin ng susunod na ispiker.

Samantala, nagbabala ang Moody’s Investors Service, isang kumpanyang nagbibigay ng payo sa mga mamumuhunan sa buong mundo, na haharap ang mga bansa tulad ng Indonesia, Sri Lanka at Filipinas sa matinding pagsubok dahil malaking bahagi sa kanilang mga inutang ang galing sa labas.

“Sa 2021, nakikita namin ang paglala sa kakayahan ng mga bansang malaki ang inutang na bayaran ang kanilang utang dahil malaki ang bayarin sa interes kung ihahambing sa makokolektang buwis. Tataas din ang mga bayarin sa principal dahil sa patuloy na pangungutang na walang karampatang programang katapat upang sumigla ang kani-kanilang kabuhayan,” ayon sa Moody’s.

***

QUOTE UNQUOTE: “Duterte was missing in action as Filipinos struggled to survive a super typhoon, shows up in the aftermath and calls them “ugok”. Sickening. Siya na nga itong tamad at makupad, siya pang may ganang manumbat. Kungsabagay, pareho lang sila ng dolomite sa Manila Bay. Walang silbi.” – Leila de Lima, bilanggo ng konsensiya

“Menardo Guevarra’s statement the anti-corruption task force he heads would start with corrupt lawmakers and corruption cases involving billions of pesos point to Alan Peter Cayetano, Bambol Tolentino et. al. Let’s hope Guevarra would not succumb to some backroom politics and horsetrading. Let’s hope he will not be corrupted by blandishments of bribe money.” – PL

“Ang lider na laging nawawala tuwing may kalamidad sa bansa natin. Napaka inutil ni Duts. Grabe hanggang kailan magtitiis ang mga ordinaryong Pinoy.” – Jenny de Dios, netizen