Advertisers

Advertisers

PAGPATID SA SAPOT NG UGNAYAN

0 1,076

Advertisers

MAANGHANG na pahayag ang binitiwan ng kampo ng Inferior Dabaw Group (IDG) higit ni Totoy Osla hinggil sa napipintong ‘paglipat na Confidential and Intelligence Fund (CIF) ni Inday Siba sa tamang ahensya. Sa paglipat ng pondong bangit, tila nagsumbong ang anak sa amang feeling na lang ang lakas pamahalaan at sa halip na makiusap, hinamon ang Kongreso na ilabas sa bayan ang sariling CIF na nakapaloob sa badyet na nagkakahalaga ng P1.6B. Sa pagtatanggol sa anak na masiba sa CIF, sinagasaan ni Totoy Osla ang mga kasamahan ni Polong Tattoo nakibo dahil sa kawalan ng alam. Sa pagbaklas ng CIF ni Inday Siba ng mas malaking kapulungan, tila masama ang loob ng IDG dahil apektado ang kilos ng grupo higit ang ambisyosang masiba sa pagtulak ng balakin sa susunod na panahon. At kapansin pansin hindi humihingi ng saklolo ang IDG kay Boy Pektus upang ibalik ang napipintong pagbaklas sa pondong ibig. Ang masakit, nagpahayag ang padalos-dalos na si Totoy Osla ng pagbuo ng grupo sa Kongreso na ituturing opposition.

Sa pahayag ni Totoy Osla, nagpakita ng suporta ang mga kapanalig sa mataas na kapulungan, ang grupo ng Row4 at nag fist salute o’ ang tikom na pagsaludo ng Nazi sa panahon ni Hitler. Sa pagpapakita ng suporta sa pahayag ni Totoy Osla nariyan si Mang Pugo na nagpahayag na ihahabla si Inday Siba kung makitaan ng maling paggamit sa pondong tangan ng abalang pangulo. Batid na ang pahayag ay pahayag sa hangin na walang laman at ang layo’y magpakitang gilas sa bayan ng makaakit ng boto para sa susunod na halalan. Dahil sa walang sumakay o kumagat sa walang laman na pahayag, ‘di nasundan ng panayam sa media o social media ang grupo na nagpakita ng suporta kay Totoy Osla at Inday Siba. O’ isang palatandaan na wala ng hatak sa Pinoy ang grupong mapanglilo sa bayan.

Sa kaganapang ito, masasabing namimiligro ang katayuan sa susunod na halalan ang mga nagpahayag ng suporta sa oslang pangulo. Ang kawalan ng atensyon ng grupong Row4 sa senado, asahan ang pagbaligtad ng katapatan ng maraming hunyango upang mapalakas ang kapit o tsansa na makabalik bilang halal ng bayan. O’ sadyang namumulat na ang bayan sa mga kalokohan na gawa ng IDG. Hindi pinag-uusapan dito sa kung sino ang nasa puno ng Balite sa Malacanan na ibig labanan ng osla ng kaTimugan. Sa kilos na ipinakita ng Row4 ng senado, mas kinakitaan ni Mang Juan ng pansariling layon at dahil sa CIF ni Inday Siba ibig baklasin ng malaking kapulungan. O’ isang palabas ang pahayag na magiging opposition ang Row4 sa senado upang ’di tumulad sa regla ng malaking kongreso na binaklas ang pondo ni Inday Siba.



Sa pagbabago ng ihip ng hangin ng IDG malinaw na pinutol nito ang manipis na sapot na nag-uugnay sa grupo ng anak ti’ Batac. Kahit ‘di tuwirang ipinapakita ni Inday Siba ang tindig na ibig ng ama, hindi maitago ang pagkakaiba ng landas na tinatahak ni Boy Pektus higit ang laban sa droga. O sadyang maaga upang ipakita ang pagkadismaya sa kaganapan higit sa pagtutol ng malaking kapulungan sa pondong inihahain ng ahensyang pinamumunuan ng abalang pangulo. Ngunit, asahan na mapapatid ang sapot na nag-uugnay sa dalawa higit kung ‘di aayudahan ni Boy Pektus ang CIF ni Inday Siba. Samantala, kita ang pagkainis ni Inday Siba sa tagapagsalita ng Kongreso na pinsan ni Boy Pektus sa pag-alis ng walang paalam sa isang pagtitipon naroon si Boy Pektus. Subalit, ‘di naghanap si BP sa nawalang prinsesa ng kabobohan este ng katimugan. Ano patid na ang sapot ng ugnayan?

Sa kabilang banda, biglang may lumabas na usapin sa isang media-outlet na nagbabangit sa anak ni Boy Pektus na isang kinatawan sa maanomalyang transaksyon sa isang ahensya na nagbibigay prangkisa sa mga sasakyang panlupa. Binangit sa ulat ang buwanang payola na nagkakahalaga ng P5.0M. Masakit ang pahayag sa isang taong batid ang dami ng pera higit kung ito’y may kaugnayan sa mga nakatira sa Balite ng Malacanan. Binabangit ang nasabing impormasyon hindi upang manira ng kung sino, sa halip ipakita na ginagapang ang mga taong malapit kay Boy Pektus at kay Waray Buot at nasa dugo nito ang dating gawi, ang pangungulimbat. Madaling mapapaniwala ang bayan sa balitang kengkoy higit hinggil sa katiwalian. Sa totoo lang, hindi nalilinis ang pamahalaan sa anumang uri ng korapsyon kahit sino ang naupo bilang puno.

Ang pagsisiwalat sa ano mang uri ng korapsyon sa kasalukuyang panahon ang pinaka madali at kapani-paniwala sa bayan. Huwag kagyat na paniwalaan higit kung pipitsugin ang halaga na binabangit. Malinaw na ‘di papatulan ng anak ti’ Batac ang barya baryang transakyon na ikasisira ng pangalan. Wala sa kalidad o kasanayan ng anak ti’ Batac ang maliit na halaga higit mapapanghawakan nito ang kaban ng bayan. Payak ang pagsulong sa mga malalaking kaperahan dahil kapit ng mga ito ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na pinagkukunan ng pondong ibig. Silip ni Mang Juan kung paano kumilos ang grupo ang anak ti’ Batac na ‘di nasisiyahan sa barya-baryang tangan. Sa totoo lang, ang CIF na hiningi ni Boy Pektus sa kongreso na mahigit na P4.6B ay ‘di mapasusubalian na may kalakihan. At tila likidong lumusot sa kamay ng kongreso ang kahilingan. At nariyan ang mas malaking Marcos este Maharlika Investment Fund. At nararapat o mas tamang buwagin ang mga nabangit na kaperahan at tuwirang gamitin sa pakinabang ng bayan.

Sa pahayag na nagsasabit sa anak ti’ Batac sa usapin sa LTFRB, malinaw na simula ito ng pagpatid sa sapot ng pagkakaugnayan ng Norte at Katimugan. Mapait sa panlasa ng mga Ilokano na masangkot sa anomalya ang apo ni Apo. Walang lumulutang na tao o grupo sa paglabas ng impormasyon ngunit maselan na isyu na inilabas higit sa naninirahan sa Balite ng Malacanan ang usapin ng korapsyon. Sa pagbabangit sa anomalya ng korapsyon, hindi maiiwasan na babalik sa kasaysayan si Mang Juan at matutukoy ang ibig at kung sino. Wala mukha ang nagpahayag hinggil sa usapin ng anak ti’ Batac, subalit silip na pinapatid o patid ang sapot ng ugnayan dahil nasaling ang di dapat salingin. Ang pagpalo sa anak ti’ Batac makikita ang latay sa ama’t pinsan na kinaiinisan ni Inday Siba.

Maraming Salamat po!!!