Advertisers
Ni NICK NANGIT
NGAYONG papalapit na ang Undas, ating balikan ang naging karanasan ko sa gusali ng Manila Film Center.
Noong 2017, inimbitahan ako ng PTV bilang panauhin sa kanilang Halloween Special. Magkikita kami ng crew nila alas-10 ng umaga sa Manila Film Center.
Ito ay ang gusali sa Pasay City, malapit sa Roxas Boulevard, na itinayo noong 80s. Pagkatapos makuha ng mga dilaw ang poder, binisita ito ni Howard Severino ng GMA, para sa isang TV special. Wala nang ibang tao pa na pinayagan ang tagapamahala nito, para gumawa ng imbestigasyon pagkatapos niya, dahil ginawa ng entablado ang isang bahagi nito ng Amazing Show para sa mga beki at tranela. Nirentahan na ito ng mga Koreano at may mangilan-ngilang palabas na may kinalaman sa kantahan. Makalipas ng 30 taon, di ko inakalang makakapasok ako.
Una ay hindi kami pinayagan. Kaya’t nagpunta pa kami sa CCP area sakay sa van nila, para kausapin ng host na si JM Encinas ang pamunuan. Ang plano ay magpapanggap daw kami na mga inspektor ng gusali.
Alas-2 na ng hapon nung nakabalik kami. Sinikap ng host na kausapin muli ang namamahala sa gusali. Pinayagan kami ng bahagya, pero hanggang sa lobby lamang.
Pumunta agad ako sa gitnang pintuan ng teatro na nasa ibabang palapag, samantalang nag-uusap sila. Malaki ito, pero sarado. Sunod ay sinubukan ko ang kaliwang pintuan. Sarado rin. Narinig ko ang biglang sinabi ng pamunuan na sarado nga raw, subali’t hindi ko siya pinansin. Patuloy ang kuwentuhan nila. E dahil makulit ako, tinungo ko pa rin ang pintuan naman sa kanan. Sarado nga. Sa pagiging mausisa ko, may napansin akong isang bukas na parang daanan katabi nito. Pumasok ako. Tila isang tambakan ng mga gamit. May malaking white board, at sinilip ko kung ano ang nasa likuran nito. Madilim. Yun pala, ito ay isang daanan mismo sa teatro.
Kahit madilim, pinasok ko ito at naglakad pababa. Akala ko nasa likod ko at sumusunod ang aking PA. Wala pala, kasi tahimik. Hininga ko lang at yapak ang naririnig ko. Makalipas ang mga sampung metro, napalingon ako at nandun nga siya pero malayo sa akin.
Patuloy ang aking paglakad.
Sa pinakaibabang harapan ay may liwanag. Parang bukas ang entablado. Magulo nga lang ang hitsura nito, dahil sa mga kahoy na nagkalat. Nanggagaling ang liwanag sa labasan. Open air, kumbaga.
Maya maya’y may sumalubong sa akin na isang lalaki na may helmet. Sa pangangatawan niya, tila nasa 30s. Paakyat siya galing sa ibaba at may reflectorizer na ekis sa kanyang dibdib. Mukhang malinis naman. Hindi ko lang maaninag ang kanyang mukha. Sinabi niya sa akin, huwag daw akong bababa sa bandang nilakaran niya dahil baka raw ako mahulog. Um-oo ako.
Huminto muna ako at napa-isip. Hinintay kong makalapit sa akin ang PA ko. Pero dahil sayang ang oras, kumaliwa na lamang ako at nakiramdam sa paligid nung ako ay nasa gitna na. Lumuplop ang aking mga tuhod at tila naka muwestong uupo. Saka ko naramdaman ang PA ko at ilang metro sa likuran naman niya ang dalawang cameramen dahil may kaunting liwanag na nanggagaling sa kanilang instrumento.
Napalingon ako sa mga upuan. Pagkatapos sabi ko sa PA ko, tara na.
Umakyat na kaming lahat pabalik sa dinaanan naming tagiliran ng kanang pintuan. Walang nagsasalita, hanggang sa nagpaalam na ang host sa pamunuan at lumabas na kami ng gusali. Saka kami nagtungo sa hagdanan na nasa bandang kaliwa nito. Dito na raw gagawin ang panayam. Sinabi sa host ng pamunuan na wala na raw palabas o pagtatanghal na ginaganap sa gusali.
Tinanong ko ang aking PA at ang crew.
Nakita ba ninyo ang mama na sumalubong sa akin?
Hindi raw. Tinanong ko ulit sila kung may ibang tao silang nakita bukod sa akin.
Wala raw.
Sino siya? At bakit niya ako sinalubong, gayung wala namang abiso na makakapasok kami sa teatro ng hapon? Ang usapan nga ay umaga. Bukod pa riyan, wala ring nagaganap na konstruksyon sa likuran. Kinumpirma ng pamunuan yun.
Naalala ko ang mga upuan. Marami at kalat kalat ang mga aninong nakaupo. Malulungkot sila. Mabigat at malamig sa pakiramdam ang mga multo ng kahapon.
Maiba tayo. May Blood Moon pala sa konstelasyon ng Taurus ngayong Sabado. Bilog at mamula-mula ang Buwan. Dala dala nito ang paggunita sa ating mga ninuno at ang pamamaalam sa mga pighati.
Kasabay din nito ang aking Timeless piano konsiyerto na senyal ng aking pagbabalik entablado. Gaganapin ito sa Manila Clock Tower Museum alas-3 ng hapon sa lungsod ng Maynila. Salamat sa mga sponsors, lalo na sa DTCAM, Museo de Pacis Gallery, at 3PM Pilipinas Muna.
Para sa mga Kabunganga Nicksters na hindi makakadalo, mapapanood ninyo pa rin ito sa Nickstradamus Nickstradamus channel ng YouTube. Abangan na lamang.
Hanggang dito na muna, Light Love and Life, Namaste!