Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
NOONG magka-loveteam pa sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, maraming fan nila ang umaasa na maging sila rin sa totoong buhay, na hindi lang sila basta loveteam.
Sa guesting ni Lloydie sa Fast Talk With Boy Abunda noong Martes, tinanong siya ni Kuya Boy kung na-bothered ba siya sa nais ng ilang fan na maging sila ni Bea, ang sagot niya,”Para akong nagsisinungaling kung sasabihin kong kahit isang beses hindi ako nailang doon sa gusto ng tao at hindi siya sumagi sa isip ko.”
“Pero as people, ‘yung kaming dalawa ni Bea, bilang part ng build namin, isa yun sa mga pinaka-fascinated din ako, doon sa kung paano namin siya hinandle nang hindi namin pinag-uusapan. Never naming pinag-usapan ‘yun eh,” pagpapatuloy niya.
“Pero siguro titigil na akong magsalita bago pa ako…,” natatawa niyang sabi.
Sa tagal ng kanilang pinagsamahan, sinabi ni John Lloyd na hindi nawawala ang saya nila ni Bea sa tuwing magkikita.
“Kami ni Bea, laging hindi mawawala ‘yung bitter-sweet, ‘yung nostalgic na pagka nagkikita kayo, lalo na kapag hindi inaasahan,” anang aktor. “Hindi mo siya made-deny na nag-e-exist kahit sa hangin.”
“Hindi siguro mawawala ‘yung ganu’ng pakiramdam. And ‘yung lagi mong hangad na sana okay siya, ‘yung pamilya niya, especially ang nanay niya,” pagpapatuloy pa ni John Lloyd.
Engaged na si Bea kay Dominic Roque. Ano ang mensahe na gusto niyang iparating kay Bea sa nalalapit na nitong pagpapakasal?
“Gusto kong mag-enjoy siya, gusto kong maging masayang masaya siya sa bagong yugto na pinapasok niya. Kasi mula noon kilala ko na siya, hanggang ngayon. Gusto ko lang maging masaya ‘yung isang taong napakabuti hindi lang sa akin,” ani John Lloyd.
“Napakabuting tao niya sa maraming tao sa industriya, napakabuti niya sa maraming staff, sa mga production na naging bahagi ng mga buhay namin. At higit sa lahat napakabuti niya sa pamilya.
“Ngayon gusto niyang bumuo ng sariling pamilya, sigurado ‘yun din ang magma-manifest sa binubuo niya. I’m really happy for Bea.”
***
AYON kay Juilia Montes, hindi raw talaga madaling magkaroon ng true friends sa entertainment industry.
“Siguro po kasi before I’m super open. ‘Yung bata na parang kung anong naiisip ko, sasabihin ko. Kasi parang feeling ko, walang other world.
“Kung ano ‘yung real life, ito ‘yung ano. Tapos iba pala. Iba pala sa showbiz. Iba pala ‘yung ganito. Ang dami palang hindi ko pa alam,” ang pagpapakatotoong sabi ni Julia sa panayam ng news anchor na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo sa vlog nito.
Ayon pa sa dalaga, ang akala raw niya noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz, kung ano ang buhay niya sa Pandacan sa Maynila ay hindi ito magbabago. Ang inaakala mo raw na totoong mga kaibigan ay showbiz friends lang pala.
“Kaya I’m very lucky na I have few. Sina Ate Dimples (Romana), Eda (Nolan), Kathryn (Bernardo). Sila ‘yung mga parang key people ko na kapag ‘di na ako okay.
“Tapos hindi sila showbiz sa akin. Pero na-meet ko sila sa showbiz industry na,” sey pa ni Julia.
Hindi lang daw basta kaibigan ang turing niya kay Kathryn, kundi isang tunay na kapatid, “Parang dumating lang na para kang nakakita ng sister and you’re so proud of your sister na whatever happens, you’re just there for her.
“And ‘yun ako sa kanya until now, na parang ups and downs, hindi lang ako laging present pero andito ako lagi,” aniya pa.