Advertisers
KUNG ginagawa lamang ng mga PNP official na itinalaga sa kani-kanilang mga posisyon ang kanilang trabaho, marahil ay hindi na kailangan pa ang aksyon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) o ng National Bureau of Investigation (NBI) para lamang hulihin ang mga ilegalista at kung hindi man mahinto ay mabawasan ang vice operation at iba pang krimen lalo na sa CALABARZON na kilala na rin sa bansag na “vice capital” ng bansa.
Dahil dito ay nanawagan ang grupo ng Anti-Vice Crusaders kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na ipatupad narin at gawing pilot project sa mga lalawigang sakop ng CALABARZON at Metro Manila ang “One- Strike Policy” na wa-epek sa ilalim nina PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr.; Region 4-A PNP Director, BGen. Paul Kenneth Lucas; at BGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ng NCRPO.
Anila, kung maipapakita ni Sec. Abalos na may ngipin ang “One-Strike Policy” at maipapatupad hindi lamang sa PNP kundi maging sa mga provincial, local at barangay unit ay tiyak na magkakaroon ng epektibong kampanya laban sa sugal, paihi o buriki at iba pang uri ng kriminalidad na kalimitang prente pa sa kalakalan ng droga.
Ayon sa kanila, sa sandalling magkaroon ng ulat at matagumpay na joint police operation laban sa mga maintainer ng deka-dekada nang operator ng Small Town Lottery -con jueteng o bookies, pergalan (perya na may sugalan), lotteng, saklaan, maging paihi, smuggling at iba pang labag sa batas na gawain ay awtomatikong dapat isailalim sa preventive suspension ang LGUs at barangay official lalo na ang mga respektibong chairman.
Sa loob ng 48 oras, pagkatapos ng pag-aresto sa mga sangkot sa vice operation na siyang magsisilbing prima facie evidence na may nagaganap na kailegalan sa isang barangay o komunidad ay kailangang ipatupad na ang preventive suspension laban sa LGU at barangay chairman sa nakakasakop na siyudad o munsipalidad.
Paiiralin naman ang preventive suspension habang nagkakaroon ng paglilitis sa kasong idudulog sa prosecutor’s office hanggang sa hukuman.
Ngunit sa kabalintunaan, ayon pa sa Anti-Vice Crusaders, kalimitan sa mga gambling operator sa CALABARZON at Metro Manila ay mga local executive, barangay leader o mga barangay chairman.
Inihalimbawa ng naturang grupo ang di masugpo-sugpo na operasyon ng STL bookies sa Malvar, Batangas ng isang alyas Gen Abo-Sayaf aka Gen Abo-Gago na pinatatakbo ng mga lider ng barangay na sina Raffy, Banog, Lito at Ramil sa lahat na barangay ng munisipalidad ni Malvar Mayor Cristeta Reyes.
May lantarang puesto pijo na pasugalan pa ng color game, beto-beto, sakla at cara y cruz sa Brgy. Santiago katabi lamang ng CP Reyes Satellite Clinic ang isang Glenda kungsaan ay nagpapabenta din ito ng shabu kahit ilang metro lamang ang distansya nito sa Malvar Police Detachment. Meron pang iniuulat na isang pergalan (perya at pasugalan) na nag-ooperate sa tabi lamang ng Shell Gasoline Station sa Pobalacion naturang munisipalidad.
Kung totoo ang ulat na ito sa SIKRETA, may malaking pananagutan dito sina Malvar Police Chief Capt. Nestor Serrano, Mayora Reyes at ang barangay chairman sa ilalim ng panukalang One- Strike Policy para sa LGU.
May STL con-jueteng o bookies din sa Sto. Tomas City sina Lito sa Brgy. San Francisco; Alex ng Brgy. San Roque; Rolly ng Brgy. Sta Maria; Ollie at Diego sa Brgy. San Pedro; Marlo at Aurelio sa Brgy. San Pablo; Rodel at Luis ng Brgy. San Vicente at Tabiao Brothers sa Brgy. San Felix at limang saklaan na pinatatakbo ni alyas Camilo.
Sa Tanauan City ay may pa-bookies din sina Ocampo sa Brgy. Bagbag at Kon Burgos sa Brgy. Boot; may pergalan pa sa Brgy. Ambulong at Banadero si Jessica, ngunit walang aksyon dito sina Tanauan City Police Chief LtCol. Ronnie Siriban at City Mayor Sonny Collantes.
Sa bayan ng Calatagan, isang Boss Naome ang maintainer ng STL con-jueteng, samantalang talamak din ang STL bookies sa munisipalidad ng Sta. Teresita, Mabini at Ibaan.
Sa munisipalidad ng Lobo, may pasugalan sa likod lamang ng munisipyo ang ex-convict na si alyas Boy Life at Eve na walong buwan hanggang isang taon na ang iligal na operasyon. Di naman ito alintana nina Lobo Mayor Lota Manalo at Police Chief Von Eric F. Gualberto.
Maaring papanagutin sa panukalang ito bukod kay PBGen. Lucas, Batangas PD at mga police chief, ay si San Jose Town Mayor Bien Patron sanhi ng pagkakaroon ng paihian sa Brgy. Calansayan ng naturang munisipalidad, at ang isang Dondon Alahas na lider ng smuggling syndicate na kumikilos sa Masbate at Batangas City.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144