Advertisers
“MAGING mapagkumbaba tayo at magkaroon ng malasakit sa kapwa.”
Ito ang hiling ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng opisyal at empleyado ng City Hall na isabuhay ang kaugaliang ito dahil bilang mga public servants, ay isang obligasyon ang tumulong sa nangangailangan.
“Ang tao, hindi pupunta at hihingi ng serbisyo ng gobyerno kung kaya nila.
Lahat ng nagpupunta sa gobyerno, may pangangailangan,” ayon kay Moreno.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang kanyang kapwa manggagawa sa pamahalaan na utang nila ang kanilang posisyon sa mamamayan ng lungsod kaya naman dapat na maging masayang maglingkod para sa kanila.
Umapela rin siya sa lahat ng naglilingkod sa pamahalaang lokal na itanim sa kanilang isip na ang pangunahin nilang tungkulin ay magserbisyo sa publiko sa abot ng kanilang makakaya. At sakali mang bigo sa hinihinging serbisyo ang publiko ay habaan ang pasensya at sabihin ito ng maayos at may pagpapakumbaba.
“Dahil hindi perpekto ang gobyerno at minsan hindi sapat ang kakayahan, pakitunguhan lang nang maayos ang taong dumating, tao mong ituring, that will ease his problems already,” ayon kay Moreno.
Iginiit ng alkalde na ang serbisyo ng gobyerno ay dapat na laging nakalaan sa bawat isa, kahit ano pa ang estado nya sa buhay at lipunan.
Binanggit pa nito na walang masama sa pagiging mapagkumbaba at maawain lalo na kung kawani ng gobyerno.
“Lagi kong pakiusap, magpakumbaba tayo. Ang kababaang loob, walang pagkakamali ‘yan. Ituring natin na parang mga kamag-anak o kapamilya natin ang mamamayan pagkat tayo ay nabubuhay… nairaraos ang pamilya, dala ng tayo ay kawani ng pamahalaan na ang obligasyon ay maglingkod sa bayan at mamamayan,” pagtatapos ni Moreno. (Andi Garcia)