Advertisers
Kasunod ng pananalasa ng Typhoon Rolly, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at local authorities na magsama-samang kumilos upang maibalik sa normal ang mga lugar na sinalanta ng bagyo at tiyaking maipaaabot ang mga kinakailangang serbisyo sa mga naapektuhan.
“Siguraduhin po natin na maisaayos agad ang mga daan at maibalik agad ang kuryente at transportasyon, pati rin ang pagsasaayos ng communication infrastructure, upang mas mabilis makabangon ang ating mga kababayan. Siguraduhin rin dapat na makarating ang serbisyo mula sa gobyerno at mga pribadong sektor na nais tumulong,” ayon sa senador.
Hiniling din ni Sen. Go na siguruhin ang kaligtasan at kalusugan ng mga bakwit na pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.
“Hinihikayat ko po ang mga ahensya ng gobyerno at LGUs na magtulungan upang masiguro ang seguridad ng ating mga evacuees, lalo na’t patuloy pa rin ang pag-ulan at may pandemya pa,” ang paalala ni Go.
Bilang chairman ng Senate committee on health and demography, nangangamba ang senador sa posibleng pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit sa mga evacuation center.
Kaya ipinayo niya sa mga awtoridad na tiyaking nasusunod ang health protocols, gaya ng social distancing at pagsusuot ng face masks ng ating mga kababayan. Ipinatitiyak din niya ang pamamahagi ng sapat na medical supplies, gamot at ang mga healthcare workers ay nakahandang magserbisyo.
“Bagamat ginagawa natin ang lahat upang mailigtas ang mga tao mula sa panganib na dulot ng bagyo, iwasan rin natin ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit sa mga sinisilungan nilang evacuation centers,” aniya.
“Kung kinakailangan, mamigay dapat ng libreng masks at magtalaga ng hand washing stations para sa mga evacuees sa mga evacuation centers,” apela pa ng senador.
Sinabi din ni Go na dapat ang mga evacuation centers ay ligtas at may maayos na mga gamit at ang disensyo ay malayo sa hawahan ng mga sakit.
Itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong 2020, ang Typhoon Rolly ay nag-landfall sa Bato, Catanduanes nitong Linggo ng umaga at nanalasa sa marami pang lugar sa Luzon.
Inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Rolly sa Martes, pero binubuntutan ng isa pang bagyo na “Siony”.
“Taon-taon, nakakaranas tayo ng higit kumulang dalawampung bagyo, at kaakibat din nito ang baha at landslide. Maraming lugar rin sa bansa ang nakararanas ng lindol. Bukod nito, kaliwa’t kanan ding may nangyayaring sunog sa iba’t ibang parte ng bansa,” ayon kay Go.
Kaya aniya, dapat ay palaging handa ang mga kinauukulan na mag-provide ng ligtas na evacuation centers para sa ating mga kababayan, lalo na ngayon na may pandemya.
Kaugnay nito, tiniyak ni Go sa publiko na naka-monitor si Pangulong Duterte sa mga pangyayari at nagbigay na rin ng direktiba sa mga ahensiyang respondehan ang pangangailangan ng mga apektado ng bagyo.
“Tinututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng lahat ng ahensyang sangkot sa pagresponde sa kalamidad ang sitwasyon para makapagbigay ng epektibong emergency response at assistance sa lahat ng mga apektado,” ani Go. (PFT Team)