Advertisers

Advertisers

Sobrang bayarin sa private universities pinaiimbestigahan

0 784

Advertisers

PAIIMBESTIGAHAN ni Senador Imee Marcos ang mga dumaraming reklamo ng mga magulang at estudyanteng nag-i-enroll sa mga pangunahing pribadong Universidad sa Metro Manila hinggil sa mga sobrang bayarin na hindi naman na applicable o akma.
Ayon kay Marcos, hindi na dapat malaki ang gastusin sa online classes at modular lesson kaysa face-to-face education bago ang COVID-19 pandemic.
“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” giit ni Marcos.
Babala ni Marcos sa Commission on Higher Education na nakakasa na ang imbestigasyon sa kontrobersyang ito sa ilalim ng Senate Resolution 480 na kanyang ihahain kapag hindi pa rin umaksyon bago magbukas ang mga klase sa huling bahagi ng Agosto.
Una nang idinulog sa tanggapan ni Marcos ang mga reklamo na may mga nakasingit na misccellaneous fee sa mga matrikulang babayaran ng mga estudyante sa mga eskwelahan para sa paggamit umano ng classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at mga dental clinic.
Sinabi ni Marcos na malamang hindi na magamit ng karamihan sa mga estudyanteng 21 anyos pababa ang mga pasilidad ng mga eskwelahan alinsunod sa guidelines na itinakda noong Hunyo pa lamang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat silang manatili sa kanilang mga pamamahay sa panahon ng lahat ng lebel ng community quarantine.
“Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga eskwelahan para lang kumita sa mga serbisyong hindi na nila maibibigay sa mga estudyante. Mas mababa na lang ang dapat bayaran sa mga eskwelahan ng mga magulang,” ayon pa sa senadora. (Mylene Alfonso)