Advertisers
NILAGYAN ng pangalan ng isang residente ng Pili, Camarines Sur ang mga yero ng kanilang babuyan sakaling liparin ng malalakas na hangin ng bagyong ‘Rolly’.
Ayon kay Ronnie Sta. Ana, nakailang beses na silang nawalan ng bubong tuwing may bagyo. Kaya nakiusap siya na kung sino man ang makapupulot o makakukuha ng kanilang yero sakaling ito’y liparin ay sana’y ibalik sa kanila.
Bukod sa pangalan, isinulat din ni Sta. Ana sa mismong bubong ang kaniyang contact number.
Itinaas nitong umaga ng Linggo ang pinakamalakas na tropical cyclone signal warning no. 5 sa Camarines Sur, na maaaring makaranas ng “maladelubyong pag-ihip ng hangin,” sabi ni PAGASA weather forecaster Ariel Rojas.
Inaasahang maraming lugar din sa lalawigan ang walang kuryente at komunikasyon dahil natumba ang mga poste at puno.