Advertisers
INABISUHAN nitong Linggo ng isang eksperto mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga nakatira malapit sa Tullahan River na maging alerto sa posibleng pagbaha dahil maaaring umapaw ang tubig sa La Mesa Dam bunsod ng malakas na ulang dala ng magkasunod na bagyong Rolly at Siony.
“Hindi natin isinasantabi iyong pag-apaw ng La Mesa Dam dahil hindi ito controlled dam, ito po ‘yong overflow dam,” ani PAGASA hydrologist Richard Orendain.
Nangangahulugan ang overflow dam walang binubuksan gate dito.
Ayon kay Orendain, kasalukuyang nasa 78.86 meters ang water elevation ng La Mesa Dam at mag-uumpisa itong umapaw kapag umabot sa 80.15 ang elevation level.
“Once na umapaw itong La Mesa Dam, ang tubig na dadaanan nito ay iyong Tullahan River. So pinag-iingat natin ‘yong mga kababayan natin diyan, mga nakatira malapit sa ilog,” aniya.
Sinabi pa ni Orendain, na posible ring umapaw ang tubig sa may Ipo Dam pero magpakawala naman ito ng tubig.
Tuloy-tuloy din aniya ang pagpapakawala ng tubig mula sa Ambuklao, Binga at San Roque Dam sa Benguet, at Magat Dam sa Isabela.
Nagdudulot ng pagbaha ang patuloy na pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sakaling madagdagan pa ang mga bukas na gate mula rito.
“Kung madagdagan pa ‘tong opening ng gate ng Magat Dam, magko-cause po talaga ito ng pagbaha Pero sa ngayon, wala pang mga pag-ulan within the watershed ng Magat Dam,” ani Orendain.
Bukod sa pananalasa ng bagyong Rolly, pumasok narin sa area of responsibility ang isa pang bagyong Siony na nakatumbok sa Central Luzon kung saan naroroon ang mga dam.(PFT team)