Advertisers
NAG-UTOS ng forced evacuation si Manila Mayor Isko Moreno sa mahigit 100 pamilya nalagay sa peligro dahil sa super typhoon ‘Rolly’, gayunman mahigpit ang bilin ng alkalde na isagawa ang paglilikas nang may mahigpit na pagtugon sa ipinatutupad na basic health protocols kontra COVID-19.
Ang direktiba ay ipinukol ni Moreno kay Manila Disaster Risk Reduction Management Office Director Arnel Angeles, na nagsabi na ang mga inilikas na pamilya ay mula sa Parola, Isla Puting Bato, Katuparan, Baseco, Happyland at Smokey Mountain.
Ang mga apektadong pamilya ay dinala ni Angeles sa mga itinakdang evacuation centers kung saan si social welfare department chief Re Fugoso at ang kanyang team na ang sumalo at nagbigay ng kanilang mainit na pagkain at iba pang pangangailangan habang ang iba ay nanatili sa kanilang pansamantalang tutuluyan.
Inutos din ni Moreno na isailalim ang mga evacuees sa swab test upang ang mga asymptomatic carriers ay maihiwalay at maiwasan ang posibleng pagkalat ng coranavirus.
Ang Rosauro Almario elementary school ang ginamit upang maging pansamantalang lugar ng mga evacuees mula Parola at Isla Puting Bato. Ang mga nasa Barangays 105 sa Happyland ay dinala sa Amado V. Hernandez Elementary habang ang mga nasa Smokey Mountain ay dinala sa basketball court. Ang mga covered courts at sports complexes sa lugar kung saan naganap ang evacuations ay ginamit para maging temporary shelters para sa mga displaced families.
Ang mga homeless people na inaalagaan sa Canonigo covered court ay ililipat sa Roxas habang ang mga nasa Rasac covered court ay mananatili pa rin dito.
Inatasan din ni Moreno si city engineer Armand Andres gamitin ang lahat ng logistical resources at si engineer Randy Sadac, na siguraduhin bukas ang lahat ng street lights at tingnan ang lahat ng mga kable ng kuryente upang masiguro na hindi ito magkakabuhol-buhol.
Nanawagan din si Moreno sa lahat ng mga residente na magreport sa kanilang barangay o opisyal ng City Hall ng anumang insidente kung saan malalagay ang kaligtasan nila sa panganib tulad ng bumagsak na poste, puno, naputol na kawad ng kuryente upang maaksyunan agad.
Mahigpit din binilinan ng alkalde ang mga opisyal ng barangay na makipagtulungan sa pamahalaang lokal na maipatupad ng maayos ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at physical distancing sa mga evacuation centers, dahil aniya: staying safety against COVID-19 is still top priority. (Andi Garcia)