Advertisers
OK raw ang “mega task force” laban sa korapsiyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, sabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
“It’s a welcome thing, sabi ni Sotto, at lahat sa gobyerno ang dapat umpisahang bulatlatin ang kalokohan.
Payag din si Speaker Lord Allan Velasco na imbestigahan kung sino-sino ang mga kongresista na ‘commissioner’ sa mga infrastructure projects sa kani-kanilang distrito.
E, kung sila-sila rin ang mag-iimbestiga, baka malutong-Macao yan.
Open secret, basta may project si Mayor, si Governor, si Congressman, si Senador, si Eh Di Ako at si Boss, may overprice, may under the table, may lagay, may palusot, may korapsiyon.
Wala tayong naririnig kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta kung kasali rin sila sa tutulong para mausig ang mga korap na huwes, prosecutor, abogado at mga court personnel.
E, kahit daw sa Sandiganbayan, Ombudsman, Commission on Audit (CoA) at sa Commission on Elections (COMELEC), uso rin daw ang lagayan, yarian ng mga kaso at dayaan.
Hanggang ngayon, nag-e-enjoy sa US si dating Comelec Chairman Juan Andres “Andy” Bautista na tinakasan ang mga kasong bribery at korapsiyon na isinampa ng gobyerno.
Libo-libo ang nagtambak na mga kasong kriminal at korapsiyon laban sa maraming matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Corrections, LGUs na inaagiw at inaalikabok sa mga korte.
Sa sobrang bagal ng hustisya sa bansa, nakatatakas ang mga kriminal at nagpapasasa sa kanilang mga nakaw na yaman.
Pero okay sa atin ang mega task force ni Tatay Digong na bago niya iwan ang Malakanyang ay makapag-iwan siya ng pagbabago sa bansa at maramdaman ng taumbayan na nilabanan niya ang kabulukan sa pamahalaan.
***
Kaya lang, duda si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kasi maganda raw ang move ni Tatay Digong sa itinayong taksk force versus corruption, kaya lang, bakit may exemption?
Dapat, sabi ni Lacson, “i-cover lahat … kasi no one is above the law.”
Para raw exempted na si Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque at iba pa, pansin ni Lacson.
Wag daw isipin na inaakusahan niya na ‘korap’ si Duque at ang iba pa, paliwanag ni Lacson, pero baka hindi maniwala ang taumbayan na totoo nga ang effort ng Pangulo na sugpuin ang korapsiyon.
Oo, nga naman: usigin ang dapat usigin at umpisahan ito kay Duque sa palpak na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na dahilan ng bilyon-bilyong pagnanakaw sa pera ng ‘FailHealth’ at ang mga anomalya sa procurement, overpricing sa mga gamit at procurement para malabanan ang Covid-19.
Dagdag dito ang na-expired at malapit nang mag-expired na ibinodegang gamot na ginastusan ng bilyon-bilyong piso at ang korapsiyon at pagkamatay ng mga batang tinurukan ng Dengvaxia?
***
Kino-congratulate natin ang National Bureau of Investigation (NBI) na agad ay inimbestigahan at balita natin, kakasuhan ng graft sina Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro at Accounts Management Office (AMO) chief Col. James Joven kasi raw, binigyan ng accreditation ang mga hao-shiao at ghost import and export company.
E kailan uusigin daw si BIR Commissioner Caesar Dulay na may niyari raw na tax exemption sa malalaking kompanya?
Maraming BIR examiner ang kasabwat sa tax evasion, tax avoidance na bilyon-bilyong pisong buwis ang nawawala sa bayan at naibubulsa lamang ng mga tiwaling negosyante at opisyal ng gobyerno.
Tama na isama rin sa uusigin ang Department of Agriculture (DA) at ang Land Registration Administration (LRA) .
Patay ang mga local farmers at livestocks growers sa talamak na importasyon ng bigas, pork, manok, beef, sibuyas, bawang, carrots at frozen fish.
Kaya maraming sumasama sa mga rebelde kasi maraming landgrabber ang nagtagumpay na maagaw ang lupa sa mga magsasasaka at katutubo dahil sa kasabwat ng mga opisyal ng LRA at ng mga opsyal ng Register of Deeds sa mga lalawigan.
Kaya marami ang sumasama sa New People’s Army (NPA) kasi hindi makuha ang mga nirepormang lupa na bigay ng gobyerno at nganga lamang yata ang Department of Agrarian Reform (DAR).
Kumusta ang korapsiyon sa telecommunications at iba pang public utilities, ‘wag nang banggitin pa ang katiwalian sa LGUs na tagos hanggang sa kapitan ng barangay.
Tama si Tatay Digong, talamak ang korapsiyon sa gobyerno at mga kasabwat na mga negosyanteng pahirap sa bayan.
Sana magtagumpay ang administrasyong ito sa giyera sa mga mandarambong!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.