Advertisers
PINAL nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang hakbang na humihiling ng mas matinding kapangyarihan para sa umiiral na Anti-Agricultural Smuggling Act, o ang Republic Act (RA) No. 10845 sa pamamagitan ng pagpataw ng habambuhay na pagkabilanggo bilang parusa laban sa mga agri-smugglers sa bansa.
Ang House Bill (HB) No. 9284, o mas kilala rin bilang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act, ay nakapagtala ng botong 289 pabor sa nasabing panukala matapos ang ginanap na nominal voting ng mga miyembro ng Kamara de Representantes.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang iligal na pagpupuslit o smuggling ng bigas at iba pang agricultural products ay maituturing bilang “economic sabotage” na isinasaad sa ilalim ng panukala na may katumbas na kaparusahang “reclusion perpetua.”
“Malapit nang matapos ang mga maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at ang mga nagca-cartel. Your days are numbered. Once this bill is enacted, we will use its provisions to the fullest in order to prosecute these evil-doers who made our kababayans suffer,” diin ni Speaker Romualdez.
Ang pagbibigay kapangyarihan sa HB No. 9284 ay naganap sa kaalinsabay ng pagdedebate sa plenaryo ukol sa P5.768-trillion General Appropriations Bill (GAB) o ang panukalang 2024 national budget.
Ang nasabing hakbang ay may kabuuang titulo bilang, “An Act declaring large-scale agri-fisheries commodities and tobacco smuggling, hoarding, profiteering, cartelizing, and other Acts of market abuse as economic sabotage, Amending for the purpose Republic Act No. 10845, otherwise known as the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.”
Una nang ipinunto ni Romualdez, ang hakbang ay magsisilbi ng matinding babala at takot para sa mga mapanlamang na indibidwal sa sektor ng agricultura na labis na namamantala sa mga kaawa-awa at mahihirap na mamimili. (Henry Padilla)