Advertisers
ARESTADO ang dalawang lalaki na may modus na manghihingi muna ng barya bago holdapin ang kanilang biktima, nang makorner ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District (MPD) nang makapambiktima sa may Quezon Bridge sa Maynila.
Kinilala ang dalawang nadakip na sina Jessie Delima, 18 anyos; at Alfredo Manimog, 29, porter.
Sa ulat ng MPD-Barbosa Police Station 14, naganap ang insidente 8:00 ng umaga sa may Quezon Bridge sa Brgy. 384 Quezon Blvd., Quiapo.
Isinalaysay ng biktimang si Rizaldy Sesma, 40, security guard, ng Northbay Blvd., Navotas City, na naglalakad siya sa naturang tulay nang lapitan siya ng dalawang lalaki at unang nanghingi ng barya.
Nang hindi siya nagbigay, naglabas ng patalim ang mga ito, nagdeklara ng holdap at puwersahang tinangay ang kaniyang mga gamit bago tumakas patungo sa direksyon ng Quinta Market.
Agad na nakahingi ng saklolo ang biktima sa MPD Bikers, kaya agad na hinabol ang mga holdaper na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Narekober sa mga holdaper ang tinangay na itim na backpack bag na naglalaman ng isang iPhone 6, coin purse na may lamang P3,000, airpod at iba pang personal na gamit ng biktima.