Advertisers
MAGKAKAROON ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng drive-thru service para sa instalasyon o mass registration ng RFID stickers sa darating na Oktubre 31 at Nobyembre 1, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi na idaraos sa Kartilya ng Katipunan sa may Bonifacio Shrine sa Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno layunin nito na makatulong sa national government para sa 100% cashless tollways payment scheme.
“Sa pakikipagtulungan ng NLEX, SCTEX, CAVITEX, at CALAX, ito pong tinatawag na easy trip RFID… sa pakikipagtulungan ng mga nabanggit na may hawak ng kumpanya na ‘yun, mayroon pong magaganap na drive-thru installation,” pahayag ng alkalde.
“Ibig sabihin, mababawasan na natin ‘yung matagal niyong pila sa mga tollgate na nabanggit at magaganap dito sa Kartilya… diyan po gagawin…” ayon pa kay Moreno.
Nabatid na ang instalasyon ng RFID stickers ay para sa Class 1 vehicles lamang, kabilang ang kotse,SUV at passenger van.
“No documents needed, pumunta lang kayo dito, Sabado at Linggo. ‘Yan ang extra service sa inyo ng inyong pamahalaang-lungsod sa pakikipagtulungan ng DOTr at saka ng mga kumpanya,” ayon kay Moreno.
Kinakailangan lamang na magdala ng P200 para sa initial load at magsuot ng face mask at face shields. Hindi sakop dito ang mga 40 footer trailer trucks.
Sa inisyal na ulat ang mga motorista na dumadaan sa San Miguel Corp.(SMC)-operated tollways — the Southern Tagalog Arterial Road (STAR), South Luzon Expressway (SLEX), the Skyway System, NAIA Expressway, at sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) ay binigyan ng hanggang sa katapusan ng Nobyembre para makapag shift sa RFID system. (ANDI GARCIA)