Advertisers
KINASUHAN ng panibagong reklamong Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang Barangay Chairman ng Barangay Kaligayahan Quezon City ng isang teaching aid sa Office of the Ombudsman.
Sinampahan ng kaso si Brgy. Captain Alfredo “Freddy” Roxas ng Brgy. Kaligayahan ng Novaliches QC ng paglabag sa Anti-Graft.
Ayon sa reklamong inihain ng complainant na si Arjean Abe sa tanggapan ng Office of the Ombudsman laban kay Kapitan Roxas, bukod sa kasong Graft nagsampa rin ito ng kasong Grave Coercion na may kaugnayan sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nabatid sa sinumpaang salaysay ni Abe sa tanggapan ng Ombudsman, nag-ugat ang kanyang bagong reklamo ng makaranas siya at kanyang pamilya ng panghaharas at pananakot mula kay Kapitan Roxas at sa mga tauhan nito.
Dagdag pa ni Abe, nagsimula diumano ang panghaharas sa kanya ni Kap. Roxas at ng mga tauhan nito ng malaman ni Roxas ang pagsampa niya ng reklamo sa tanggapan ng Office of the Ombudsman noong Sept 11, 2023.
Ayon pa sa ulat sa nasabing reklamo ay inakusahan ni Abe ang grupo ni Kapitan Roxas ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practises Act at Falsification of Public Documents dahil sa paggamit diumano ni Roxas ng “Ghost Employee’.
Matapos daw maisampa ang nasabing reklamo ay nagdagsaan na ang mga missed call sa cellphone ni Abe mula sa iba’t ibang numero na hindi naman naka-save sa kanyang phone book.
Bukod pa daw dito ay iba’t ibang mensahe na rin ang kanyang natanggap sa kanyang facebook messenger.
Kabilang umano sa mga nagpadala sa kanya ng mensahe ay ang mga tauhan ng kanilang Brgy. Kaligayahan at kilalang tagasuporta ni Kap. Roxas.
Para na rin daw sa kanyang kaligtasan, pansamantala munang lumipat ng tirahan si Abe at kanyang asawa. Subalit laking gulat ni Abe na nito lamang daw ika-12 ng Setyembre ay pinuntahan siya ng mga tauhan ni Kap. Roxas.
Nais daw ng mga tauhan ni Roxas na kunan siya ng litrato subalit hindi siya pumayag. Ika-14 naman ng Setyembre 2023 ng muling makatanggap si Abe ng mensahe na ipinararating umano ni Kap. Roxas.
Binantaan din umano si Abe na kailangan niyang sumagot hanggang September 15 kung hindi ay asahan nyang may isasampang kaso laban sa kanya ang kampo ni Kap. Roxas.
Dahil sa mga nasabing pangyayari, na nagdulot ng pangangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya, ay nagdesisyon na si Abe na muling magreklamo sa Ombudsman.
Nauna rito magugunitang na isang Hernando Compedio ang nagsampa din ng reklamong Anti Graft and Corrupt Practises Act laban kay Kapitan Roxas dahil sa paggamit ng kanyang pangalan para umano makakolekta ng sweldo sa Quezon City Hall, kahit hindi na empleyado ng Brgy. Kaligayahan si Compedio. (Boy Celario)