Advertisers
Biglang laki ang isyu ng binitawang salita ni Armed Forces Southern Luzon Command (Solcom) chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr., hinggil sa batang aktres na si Liza Soberano matapos itong makilahok sa isang “webinar” na inorganisa ng Gabriela Women’s Party upang talakayin ang mga karapatan ng kababaihan.
Dangan kasi, natanong ng mga mapanuri at kritikong media laban sa Administrasyon Duterte, itong si Parlade na siya ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), na ang pakikibahagi ba ni Soberano sa talakayan ay nangangahulugang ang 22-anyos na aktres ay isa ng miyembro ng maka-kaliwang samahan ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA)?
Ang sagot ng opisyal ay hindi. At hindi pa. At binalaan nito si Soberano at maging iba pang mga taga-showbizness na huwag papadala sa pambobola ng Gabriela na alam naman ng karamihan ay “front” lamang ng komunistang-teroristang samahang CPP-NPA.
Pinagpiyestahan ng mga kritikong media laban kay Pangulong Duterte ang tinuran ni Parlade at pinaratangan na itong tinutukoy na niya si Soberano bilang miyembro na ng CPP-NPA o yung nauuso sa ngayon na “red-tagging.”
Ang totoo, ang sinabi lamang ni Parlade ay paalala kay Soberano na mag-ingat lamang dahil baka madala ang aktres sa mga patumangga ng maka-kaliwang samahan ng kababaihang Gabriela, at bandang huli ay mapabilang pa ito sa komunistang-teroristang samahan na nagpapanggap lamang na tagapagtanggol ng mga karapatan ng kababaihan.
Maraming mukha ang komunistang-teroristang samahang CPP-NPA at marami nang nalinlang ang mga ito. Mga inosenteng indibidwal babae man o lalaki, karamihan nga ay nasa batang edad lamang gaya ng mga nasa kolehiyo. Tinutulak na maging militante at balang araw ay kasapi na ng armado nilang grupo na NPA.
Ang malupit, ay kalaunan ang mga kabataang ito pa ang nagiging biktima ng karahasan. Nakikitil o napapatay sa mga engkwentro ng mga tropa ng pamahalaan laban sa komunistang-teroristang CPP-NPA.
Wala naman talagang hangad ang military official kundi bigyan babala si Soberano, na huwag padadala sa mga pagkukunwari ng Gabriela. Baka kasi sa huli, ay malaman na lamang ng aktres na nagamit lang pala siya, at mas matindi, kung talagang nagpadala na si Soberano ay baka mamundok din ito. Hahawak ng armas at makikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan ng walang kalaban-laban.
Ang siste, sinamantala naman ng mga kalaban din ng demokrasya ang tinuran ni Parlade at napihit ng mga ito na pinaratangan na niya si Soberano na kasapakat ng mga kaaway ng pamahalaan, ganung sila mismo ay isa na rito.
Nagawang ipihit ang mismong salita ni Parlade na makasama mismo sa opisyal. Muntik naman nilang mapagtagumpayan ang kanilang pakay sa isyu ng red-tagging. Ngunit hindi sa mga gaya nating matagal nang alam ang pagbabalat-kayo ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA.
Alam natin ang kahulugan ng babala sa pagbabanta. Saan man daanin ang tinuran ng military official, hindi ito makikitaan ng anumang pagbabanta, na si Soberano ay isa nang kasapi ng CPP-NPA. Kundi ay nagbabala lamang si Parlade na mag-ingat ang aktres baka mapabilang sa komunistang-teroristang CPP-NPA kung patuloy itong palilinlang sa mga animo’y maamong tupang pagpapanggap ng Gabriela.
Ang babala ay hindi pagbabanta. Ganun lang yun!