Advertisers

Advertisers

Seryoso ba?

0 477

Advertisers

HANGGANG ngayon, itinatanong namin kung totoong seryoso si Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya laban sa korapsyon. Wala kaming dahilan upang maniwala na hindi nagbibiro ang tila bangag na pinuno ng bayan. Hindi kasi malinaw ang programa laban sa mga katiwalian at kung sino-sino ang sakop ng kampanya.

“Basta lahat ng sangay ng gobyerno.” Ito ang wika ni Duterte sa tanong kung sino at ano ang sakop ng idineklarang kampanya. Parang binigyan ng mag-asawang sampal si Menardo Guevarra, ang tulirong kalihim ng katarungan. Ngunit nakapagbigay ng pahayag si Guevarra na uunahin na sampulan ng binuong task force kontra katiwalian ang mga mambabatas na pinaniniwalaang tiwali. Wala siyang pinangalanan.

Kakatwa ang sitwasyon ng mga mambabatas. Matapos ipagkanulo ang mga walang kakuwenta-kuwentang sarili kapalit ang ilang pirasong pilak, sila ngayon ang hahabulin ng kanilang amo. Sila ngayon ang isasakripisyo sa dambana na maayos na pamamalakad sa gobyerno. Matapos makuha ni Duterte ang kanilang puri, ihahagis na lamang sila sa basurahan na tila mga basyong lata ng sardinas na walang silbi.



May mungkahi na unahin na sampulan si Kin. Alan Peter Cayetano, ang sinibak na ispiker ng Kamara de Representante, at Kin. Bambol Tolentino ng Cavite. May kaugnayan ang mungkahi sa kontrobersyal na 2019 SEA Games kung saan gumugol ang gobyerno ng mahigit sa P15 bilyon. Nagkamal umano ang grupo ni Cayetano nang nagtatag ng Philippine Southeast Asian Games Governing Committee, o Phisgoc, upang pangasiwaan ang palaro. Kinalinga umano ni Bambol si Cayetano upang hindi sumailalim sa mga hinihinging requirement.

Kapani-paniwala na unahin isampol ang dalawa. Bilyones ang ninakaw umano ng sindikato ni Cayetano. Sa hindi malaman na kadahilanan, hindi nagsusumite ng anumang audited financial statement ang Phisgoc, isang paglabag sa kasunduan. Lampas walong buwan na sa takdang deadline, ngunit walang isinusumite na financial statement ang Phisgoc. Kahit pangulo siya ng Philippine Olympic Committee, si Bambol ang nagtatakip kay Cayetano sa kanyang mga pagkukulang at paglabag umano sa batas.

***

KUNG nais ni Duterte na magtagumpay ang kanyang kampanya kontra katiwalian, mahalagang ayusin niya ang Presidential Anti-Corruption Commission, o PACC, isang sangay na binuo ng Ehekutibo upang harapin ang malawakang katiwalian sa gobyerno. Hindi marunong sumagot ang PACC na sumagot sa mga kalatas na dumadating sa kanilang tanggapan.

Tulad ng liham ni Fr. Guillermo Ramo, kura paroko ng Our Lady of Remedy sa San Fernando, Romblon, na ipinadala noong ika-24 ng Agosto, 2018 kay PACC Commissioner Greco Belgica upang ireklamo ang katiwalian sa pagpapagawa ng mga kalsada at tulay sa isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon – na hindi matapos tapos. Hindi sinagot ng PACC ang liham na nakapangalan kay Glenn Badon, secretary-general ng PACC.



Nagrereklamo si Fr. Ramo sa kawalan ng kaukulang aksyon sa malawakang korapsyon umano kaugnay sa mga proyekto hindi natapos na pawang nakapangalan sa magkapatid na Kin. Toto at dating Kin. Budoy Madrona ng Romblon. Nahaharap si Madrona sa ilang kaso ng katiwalian sa Sandiganbayan at Office of the Ombudsman. Kasalukuyang dinidinig ang mga kaso ng paglabag umano ni Madrona sa Anti-Graft and Corrupt Practices Law.

Si DPWH District Engr. Napoleon Famadico ang subject ng “appeal to investigate” sa Office of the Ombudsman. Ipinasa sa CoA. Nag-imbestiga ang CoA at ipinasa sa provincial CoA pero walang nangyari. Wala man lang nakuhang report ang nagrereklamong pari. Pumunta sila kay Belgica dito sa Manila para isumite ang mga dokumento tungkol sa mga budgeted na unfinished projects ni Toto Madrona at Budoy Madrona na nangakong paiimbestigahan ang problema. Pero wala man lang sila nakuhang sagot at hindi na nila alam kung ano ang nangyari sa kaso.

Dahil sa kawalan ng aksyon ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit sa mga proyekto ng mga kalsada at tulay sa Romblon, inilalapit niya ang mga tiwaling proyekto sa tanggapan ng PACC. Ngunit hindi tinugon ng PACC ang kanyang liham. Makikita ang kawalan ng paggalang ng PACC sa mga naghahain ng sumbong, aniya. Saan pupunta ang kampanya ni Duterte kontra tiwali?

***

NOONG Miyerkules, naglabas ng maikling video si Rodrigo Duterte na bumabati kay Cayetano sa ika-50 kaaarawan ni Alan Peter Cayetano. Sa kanyang pagbati, sinabi ni Duterte na huwag pansinin ang pagsibak sa kanya sa Kamara de Representante kung saan tinanggal siya bilang ispiker at ipinalit si Kin. Lord Allan Velasco ng Marinduque. Tila inaalo ni Duterte sa pait at bangis ng pagtanggal sa kanya sa Kamara. Pinangunahan ng magkapatid na Polong at Sara Duterte ang pagsibak sa kanya.

Hindi namin alam kung inihahanda siya ni Duterte sa maaaring gawin ni Guevarra at anti-corruption task force laban sa kanya. Malinaw ang marching order ni Guevarra mula kay Duterte. Habulin ang mga tiwali sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Hindi namin alam kung bakit sa mismong kaarawan ni Cayetano nagsalita si Guevarra na kanyang uunahin ang mga tiwaling mambabatas. Hindi rin namin alam kung bakit inaalo ni Duterte si Cayetano.

Isakripisyo kaya ni Duterte si Cayetano? Ngayon, wala ng silbi si Cayetano kay Duterte. Nakuha na ni Duterte ang kanyang nais. Naipasara ang ABS-CBN at naipasa ng walang sagabal ang Bayanihan Act 1 at Bayanihan Act 2 na naglaaan ng daan-daang bilyones na budget ng pagsugpo ng pandemiko. Paano na ang laro?

Ano naman ang alas na baraha ni Cayetano kung sakaling isakripisyo siya ni Duterte upang isalba ang kanyang reputasyon? Marami siyang alam tungkol kay Duterte lalo na sa kanyang pakikitungo sa China. Maalala na naging kalihim ng DFA si Cayetano bago nahalal na kinatawan ng Taguig City at naging ispiker. Maaari siyang magsampa ng impeachment complaint kay Duterte. Nag-uunahan ba ang dalawa?

Abangan.

***

MGA PILING SALITA: “I noticed that I write a lot of satire, sarcasm, irony, jokes, and swearing. It is hard to write straight when the surroundings make no sense. It’s like being the only sober guy in a room full of drunks. I’m sure you know the feeling.” – Joe America, netizen

“Rodrigo Duterte’s much ballyhooed anti-corruption campaign is bound to fail. His order to corral the corrupt in “all branches” of government is all encompassing. Just like his approach to combat the pandemic, his anti-corruption campaign has no plans, programs of action, targets, and objectives. It could be likened to a rudderless ship traversing a vast ocean. Too broad to enable his anti-corruption czar Menardo Guevarra to carry it out successfully. Guevarra was somewhat surprised and bewildered by the magnitude of his strange mandate.” – PL, netizen