Advertisers
LULUBOG, LILITAW!. Ito ang kakaibang katangian ng submarino na matagal nang pinagsisikapan ng ating pamahalaan na maangkin.
Para sa Hukbong dagat, ito ay isang espesyal na sasakyang dagat na pandigma na maaring sandalan ng militar sa pagtatanggol sa ating kapuluuan laban sa mapanlupig na dayuhan. Ngunit dahil sa kakapusan ng pondo, hanggang ngayon ay nanatili pa lamang na pangarap ang pagkakaroon natin ng submarino.
Para sa taga-Cavite hindi na bago sa kanila ang katawagang submarino, hindi ito ang uri ng barkong tulad sa ating inaasahan na gamit ng navy, kundi ito ay taguri sa operasyon ng iligalista na hindi kayang puknatin ng pulisya ng Cavite, NBI at iba pang awtoridad sa naturang lalawigan.
Hindi kayang supilin ang subrmarino ng Cavite, pagkat di naman pinagpupursigihan ng kapulisan at iba pang law enforcement agency na lansagin, kahit na nakalitaw ang operasyon ngunit kunyari ay nakalubog at hindi nakikita ng mga awtoridad.
Kaya naman ganito kung tawagin ng mga Caviteño ang operasyon ng sindikatong pinamumunuan ng mag-among Bokal Cholo at Amang Kupal na nakabase sa bayan ng Carmona ng nasabing lalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Gov. Junvic Remulla. Liban sa submarino ay sacred cows din ang turing sa dalawang lider ng mga kriminal pagkat tila love na love ang mga ito ni Gov. Remulla.
Sina Bokal Cholo at Amang Kupal ay lider ng armadong grupo na kumokontrol din ng operasyon ng pinakamalaking petroleum at oil pilferage sa Timog Katagalugan o CALABARZON ngunit hindi matibag ng kapulisan ang kuta ng mga ito sa Brgy. Bancal sa nasabing bayan.
Hindi na tayo magtataka kung bakit malaki ang kaibahan nina Bokal Cholo at Amang Kupal kay Amadeo Municipal Vice Mayor Conrado Viado.
Maraming napigiga sa dalawang iligalista, kumpara kay Vice Mayor Viado. Busog ang maraming pulis at politiko sa hatag nina Bokal Cholo at Amang Kupal samantalang wala namang protektor sa hanay ng kapulisan sina Vice Mayor Viado kaya naman sandali lamang itong naigupo ng Cavite PNPO.
Ngunit naniniwala ang mga kababayan ng Vice Mayor at ang walo nitong kaalyado ay biktima ng maruming politika at nasa likod din ang mahigpit na kalaban nito sa naganap na raid sa bahay ng mga Viado kamakailan.
Samantala liban sa pagpapatakbo ng pilferage syndicate, sina Bokal Cholo at Amang Kupal ay sangkot din sa bentahan ng droga lalo na ng shabu sa buong probinsya ng Cavite at sa kanugnog na lalawigan, Metro-Manila, at mga Region 2, 3, at 5, lalong -lalo na sa Bulacan.
Hindi kalayuan sa Carmona Municipal Police Office ang kuta ng dalawang bantog na ilegalista. Gamit ng grupo nina Cholo at Amang Kupal na imbakan ng droga at baril ang kanilang pwesto ng paihian, patuluan, at pasingawan na kung tawagin ay burikian sa Bancal.
Nagpalit-palit na ang angkan ng mga Loyola sa panunungkulang alkalde sa Munisipalidad ng Carmona at magpahanggang sa pamunuan ni incumbent Mayor Roy Loyola ay di naaaksyunan ang gawaing labag sa batas nina Bokal Cholo at Amang Kupal.
Nagpalit-palit na din ang mga naluklok na CALABARZON PNP Regional director hanggang sa maupo sa puwesto si PNP Region 4-A Chief, PBG Vicente Danao Jr., ngunit kahit minsan ay hindi rin nakanti ang armed group, pilferage activity at drug syndicate nina Bokal Cholo at Amang sa naturang munisipalidad.
Nagpalit-palit na din maging ang mga PNP Provincial director sa lalawigan ng Cavite hanggang sa maluklok sa pwesto ang idol nating si P/Col. Marlon Santos ngunit tila mabibigo ang mga mamayan ng Cavite na masupil ang mga katarantaduhan ng sindikato nina Bokal Cholo at Amang Kupal.
Nagpalit-palit na din ang mga naging hepe ng lokal na kapulisan ng bayan ng Carmona ngunit kahit ang lady cop na si P/Major Diana DC Del Rosario, ay nawalan rin ng kamandag laban kina Bokal Cholo at Amang Kupal. Nanatiling bigo ang mga taga-Carmona na masugpo ang mga kailigalan nina Bokal Cholo at Amang Kupal.
Ang hindi lang napalitan sa kanilang mga trono ay ang mga kolektor ng intelhencia ng ilang matataas na opisyales ng pulisya sa pailigal nina Bokal Cholo at Amang Kupal na atin pang kukumpirmahin ang mga pangalan.
Ayon sa ating police insider anumang oras, araw at maging gabi na salakayin ng awtoridad ang kuta ng mga naturang ilegalista ay nakatitiyak na madidiskubre doon ang sangkaterbang matataas kalibreng baril, bulto ng shabu at mga nakaw na naka- drum na produktong petrolyo, motor oil at edible oil product at iba pa.
Kasama din sa nakatago sa bodega ni Bokal Cholo at Amang Kupal ay ang A- 1 Jet fuel na gasolinang gamit ng eroplano at hindi kukulangin sa isang libong tangke na naglalaman ng pinasingaw na liqufied petroleum gas (LPG).
Tama lamang na lubhang matakot ang mga taga-Cavite sa delubyong idudulot ng burikiang ito sa Brgy. Bancal, Carmona sakaling sumabog ang mga highly flammable substances at petroleum product sa naturang burikian.
Ang mga pinaihi o nakaw na gasolina at krudo ay hinahaluan sa kuta ng mga nasabing iligalista ng kerosene gas bago ipadeliber sa ibat-ibang outlet sa buong CALABARZON, Metro-Manila at halos buong Luzon , Mindoro, Romblon, Masbate, Palawan at ilang pang panig ng Kabisayaan.
Ang mga LPG tank naman ay kusang binabawasan sa timbang kaya napakababa ng presyo sa pagbebenta ng sindikato sa merkado sa lalawigan ng Cavite at lahat na probinsya ng CALABARZON, Metro-Manila, MIMAROPA at Kabisayaan.
Ganyan pong kalaki at katindi ang operasyon ng magpakner in crime na Bokal Cholo at Amang Kupal, kayang bilhin ng mga ito ang prinsipyo ng ilang opisyales ng pamahalaan at maging matataas na pinuno ng kapulisan.
Hindi natin alam kung maging sina PNP Director General Camilo Pancratius Cascolan, CIDG Director,PMGen. Joel Napoleon M. Coronel, PBG Danao Jr., ay mabibili din ang prinsipyo nina Bokal Cholo at Amang Kupal?
Pangkaraniwan nang napakahirap na suhulan ng salapi ang isang lady cop tulad ni Carmona Municipal Police Chief, Maj. Del Rosario, ngunit nakapagdududang hindi naman umaaskyon ito laban sa mapaminsalang operasyon ng sindikato.
Bakit nga ba Major, may pressure ba mula sa itaas, kaya kahit na nakalitaw ang mapamerwisyo at mapanganib na operasyon ng sindikato sa iyong hurisdiksyon ay di ka natitinag?
Ang grupo lamang ni Amadeo, Cavite Vice Mayor Conrado Viado, ang tila kayang-kaya na lupigin ng Cavite PNP, ngunit mistulang asong bahag ang buntot, tameme, at manhid naman laban kina Bokal Cholo at Amang Kupal, ng bayan ng Carmona, bakeeeet???
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.