Advertisers
PARANG isang patay na hayop lang ang bangkay ng isang rebeldeng New People’s Army (NPA) na ibinaon sa mababaw na hukay ng kanyang mga kasama matapos ang isang madugong pananambang sa mga miyembro ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa labanan ng militar sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte noong umaga ng September 1.
Dahil sa mababaw ang pagkakabaon sa bangkay, naamoy at nakalkal ito ng mga askal na naging dahilan upang mapansin ng isang residente sa Sitio Katakian, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon, di kalayuan sa pinangyarihan ng pananambang na ikinasawi ng 5 miyembro ng CAFGU at ikinasugat ng 3 iba pa ba kinabibilangan ng isang sundalo ng Philippine Army na pawang nakatalaga sa isang CAFGU patrol base ng 85th Infantry Battalion.
Mabilis nai- ulat sa mga awtoridad ang insidente kung kaya’t agad na tinungo ng mga pulis at militar ang lugar na pinagbaunan sa mga labi ng rebelde na may tama ng bala sa mukha at balikat.
Kinikilala pa ng mga awtoridad ang nasawing rebelde na nakatakdang isailalim sa autopsy examination.
Bunga ng pangyayaring ito, ilang resisente sa lugar ang nagpahayag ng disgusto at pagkamuhi sa mga nanambang na rebelde.
“Para namang hayop lang nila itinuring ang nasawi nilang kasama. Sana ay iniwan na lamang nila ang bangkay sa pinangyarihan ng ambush nang sa gayon ay nabigyan sana ng gobyerno ng disenteng libing na katulad ng ibinigay sa mga nasawing kawal”, pahayag ng isang ginang na tumangging magpakilala.
Sinabi naman ng isang residente na dahil marahil sa kagustuhan ng mga Bicolanong rebelde na makapagyabang sa publiko matapos ang matagumpay nilang pananambang kung kaya’t inilihim nila ang katotohanan na ang kanilang grupo ay nalagasan din ng kasapi matapos manlaban ang mga CAFGU.
Base sa Intelligence report ng militar, sinasabi na ilan sa mga rebeldeng Bicolano ang nasugatan at nasawi sa gitna ng bakbakan ngunit ang mga ito ay nagawang maitakas ng kanilang mga kasama.
Bukod sa mga rebeldeng Bicolano, nagyabang din ang tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command (AMC) na dating namamayagpag sa Southern part ng lalawigan ng Quezon.
Sinabi ng tagapagsalita sa isang press statement na malakas pa rin ang natitirang kasapi pwersa ng NPA sa Quezon.
Pinabulaanan naman ito ng pulisya at militar na nagsabing isa lamang haka-haka dahil ang totoo’y matagal ng naghihingalo ang AMC at nagyayabang lang dahil gustong makapangotong sa mga kandidato sa idadaos na Barangay at SK elections at patuloy na makapangolekta sa ilang negosyante sa lalawigan na kanilang tinatakot.
Ito umano ang isang dahilan kung bakit pilit na itinatanggi ng AMC na mga rebeldeng Bicolano ang nagsagawa ng pananambang sa mga tauhan ng CAFGU.