Advertisers
PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ang isang babae habang ang ‘riding in tandem’ ay nadakip naman ng mga awtoridad mula sa kanilang pinagtaguan, ilang oras bago ang madugong pamamaslang sa una sa lungsod ng Pasay noong Lunes ( September 11, 2023 ).
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director PBGen Roderick D Mariano, nakilala ang biktima na si Mae Andrea Abueme Montehermoso,24-anyos, jobless at naninirahan sa Legaspi Street, Brgy 147, Pasay City.
HIndi naman nakapalag sa mga awtoridad ang dalawang suspek na sina Romel Napoles y Miraran, alias Mel,42, may asawa, walang trabaho, naninirahan sa Block 9f Lot 10, Phase 5, Southville 9, Pinugay Baras Rizal; at John Paul Napoles y Cerilo, 32, pinsan ni Romel, may-asawa,jobles at naninirahan sa 5999 Sitio San Juan Street, Pasay City.
Ang magpinsang Napoles ay inaresto nang pinagsanib na operatiba nina PCpt Dennis Desalisa, PMSG Alfredo C Aquino Jr, PSSg Pedro Durian, pawang nakatalaga sa IDMS, Pasay CPS; PCpt Philadiane Morales Jr, Sub Station 5 Commander, PSMS Jaime Oante Jr, PSSg Jefferson Vidal at Pat Rolando Morales Jr, pawang nakatalaga sa Substation 5, Pasay CPS at PCMS Ernesto Pagao, PSSG Ramil Avecilla II at PCpl Jett Morillo na nakatalaga sa SIS Pasay CPS.
Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap bandang alas-2:30 ng umaga sa kahabaan ng Bac1-11 Barangay 190, Don Carlos Village, Pasay City kung saan ay nakita mula sa CCTV footage na may kausap ang biktima na dalawang babae.
Makalipas ang ilang sandali ay biglang dumating ang mga suspek na lulan ng isang motorsiklo at walang pangiming itinutok ang hawak na baril sa kinatatayuan ng biktima. HIndi agad pumutok ang baril ng isa sa suspek kaya nagawang tumakbo ni Montehermoso palayo ngunit agad na bumunot ng baril ang driver ng motorsiklo at ilang beses na pinaputukan ang biktima.
Nakalakad pa ang biktima ngunit dala ng matinding tama sa katawan ay bumulagta ito sa semento. Ang mga suspek ay mabilis na tumakas subalit makalipas ang ilang oras ay nadakip nang magsagawa ng joint operation ang mga awtoridad sa San Juan Street, Pasay City.
Nang pasukin ng operating team ang kinaroroonan ng dalawang suspek ay nahuli sila habang nasa aktong gumagamit ng ilegal na droga. Nakuha sa kanila ang isang piraso ng medium size heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.76 na may halagang DDB na php5,168.00, isang piraso ng lighter color pink, isang piraso ng foil strip na may residue at isang piraso ng aluminum foil rolled gamitin bilang tooter.
Sinabi ng ina ng biktima na makalipas ang tatlong araw bago ang insidente nang pamamaril ay nag-away umano ang kanyang anak at dating live-in partner na si John Paul sa hindi malamang dahilan. (JOJO SADIWA)