Advertisers
MAAGANG binuksan ng Manila North Cemetery sa publiko ang sementeryo sa huling araw ng pagbisita sa mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay nitong Miyerkules.
Alas-7:00 ng umaga nang binuksan ang sementeryo sa publiko, habang patuloy pa in ang mahigpit na pagpapatupad ng awtoridad sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face shield at face mask.
Hindi rin pinapayagan ang mga bata at senior citizens na pumasok sa sementeryo. Kinukumpiska ang mga ipinagbabawal na item tulad ng lighter, alcohol at matatalim na bagay.
Inagahan ng ilan ang pagpunta sa sementeryo para makaiwas sa posibleng dagsa ng mga tao.
Samantala, matumal pa ang bentahan ng mga bulaklak sa Dangwa. Kaya para makaenganyo, bagsak presyo na ang bentahan ng mga bulaklak.
Ikinandado 5:00 ng hapon ang entrada ng sementeryo.
Ang naturang hakbang ay alinsunod sa napagkasunduan ng Metro Manila Mayors gayundin ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapanatiling ligtas sa COVID-19 ang publiko.
Bukod sa MNC, lahat ng sementeryo sa Maynila ay ipasasara gayundin ang mga kolumbaryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.
Muling bubuksan sa publiko ang MNC gayundin ang mga sementeryo at kolumbaryo sa Maynila sa Nob. 5. (Jocelyn Domenden)