Advertisers

Advertisers

Presidente Duterte dapat maging modelo ng transparency, isapubliko ang SALN

0 204

Advertisers

SABI ni Presidente Rody Duterte sa kanyang lingguhang ‘Ulat sa Bansa’ tuwing Lunes ng gabi na iniere kinabukasan, uubusin niya ang nalalabing termino niya sa paglinis sa korapsyon sa gobyerno. Bravo!

Bagama’t hindi na bago sa pandinig natin ang mga statement na ito ni Presidente Duterte ay umaasa parin tayo na magawa niya ito. Wish ko lang!

Noong 2016 election campaign ang pangakong ito ni Duterte ang nagpapanalo sa kanya, nakumbinsi niya ang higit 16 milyong Pinoy na iboto siya sa pag-asang mawalis niya ang mga korap sa gobyerno at ang talamak na nakakabuang na droga.



Sa bawat okasyon at state address ni Presidente ay paulit-ulit niyang inaanunsyo ang kampanya laban sa korapsyon. Sabi nga niya, kahit alingasngas lang ng katiwalian ay sisibakin at ipakukulong niya.

Ang lahat ng ito ay nangyari sa salita lamang, sa pangako lamang. Sa higit apat na taon na niya sa kanyang six-year term kungsaan napakarami nang pumutok na isyu ng korapsyon sa mga pangunahing ahensiya ng gobyerno ay wala pang napakulong si Presidente. Inaalis niya lang sa puwesto at inililipat sa ibang ahensiya ang mga naaakusahan ng katiwalian. At sa halip na pakasuhan o hambalusin, ipinagtatanggol pa niya ito, inaabsuelto sa korapsyon. Mismo!

Nitong Lunes, sinabi ni Presidente na hindi siya inutil laban sa korapsyon. Kung noon aniya ay naging tameme siya, ngayon ay gagawin niya na ang lahat. Inatasan niya ang Department of Justice, si Secretary Menandro Guevarra, na imbestigahan ang buong gobyerno, LAHAT ng may isyu ng korapsyon. Bravo!!!

Pero mas maganda kung si Presidente Duterte na mismo ang magsilbing modelo sa transparency. Oo! Isapubliko niya ang kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) mula 2016 tulad ng ginawa ng mga nakaraang presidente ng bansa.

Bukod tangi lang kasi si Pres. Duterte sa lahat ng naging pangulo ng Pilipinas ang hindi pa nagpapakita ng kanyang SALN. Ang Bise Presidente na si Leni Robredo ay consistent sa pagsapubliko ng kanyang SALN simula nang maupo 4 years ago.



Ang pagsasapubliko ng SALN kada taon ay inaatas ng ating Saligang Batas. Inoobliga nito ang lahat ng empleyado ng gobyerno lalo mga opisyal na magsumite ng kanilang SALN. Ito’y para sa transparency at upang ma-monitor ang kanilang ari-arian habang sila’y nagseserbisyo sa gobyerno.

Ilang impeachable officials na nga ba ang nasibak dahil sa pagsisinungaling sa SALN? Sina late Chief Justice Renato Corona, ex-Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at mga alkalde at kongresista.

Itong kasalukuyang Ombudsman, Samuel Martires, ay dapat ma-impech din ito dahil sa pagprotekta niya sa SALN ng mga opisyal. Ayaw niyang isapubliko ang SALN ng mga kasalukuyang opisyal pati na ang sa Presidente dahil baka gamitin lang daw sa politika o harassment. Tsk tsk tsk… Isang pagtataksil sa Saligang Batas ang ginagawang ito ni tandang Martires!

Balikan natin si Pres. Duterte, makabubuting isapubliko niya ang kanyang SALN para mabura na ang pagdududa ng kanyang mga kritiko na may itinatago siyang yaman, at nang magsunuran din ang kanyang mga gabinete.

Oo nga pala, sinabi ni Pres. Duterte na imbestigahan LAHAT ng ahensiya ng gobyerno na may isyu ng korapsyon. That means kasama rito sa mga dapat iimbestigahan ng DoJ ang Office of the Solicitator General na consistent na iniisyuhan ng notice ng Commission on Audit (CoA) ng milyon milyong pisong dissallowances.

Ang DoJ ay under ng SolGen.

How about Philhealth, DoH, Bureau of Customs, Immigration, DPWH, DepEd, DSWD, SBMA, BCDA?

Sana’y may mga makasuhan at makulong nga sa mga rapist ng kaban ng bayan sa mga ahensiyang ito ng pamahalaan. Dapat!