Advertisers

Advertisers

DISMAYADO

0 474

Advertisers

MAGKASUNOD na bagyo ang pumasok sa bansa sa nakaraang linggo – Pepito at Quinta. Talagang ramdam ang lupit nito lalong lalo na ng mga kababayan natin sa Katimugang Luzon maging sa Bicol.

Ramdam natin ang hagupit ng bagyo. Hindi nagpatulog sa ating mga kababayan na inaabangan ang maaring pinsalang idulot nito sa kanilang kabuhayan. Sa magdamag na pag-antabay, dalangin ang sandatang dala ng ating mga kababayan.

Laking pasasalamat ang inabot ng mga ito nang humupa na si Quinta at hindi ganoon kalaking pinsala ang idinulot ng mga malalakas na hangin at ulan.



Sa kabilang banda, hindi naging magkasimpalad ang mga taga S. Luzon kumpara sa mga kawani ng PhilHealth lalo na ang mga rank-and-file dahil hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin humuhupa ang bagyong dala nina Ricardo Morales at Francisco Duque III. Eto na naman ang panibagong sakuna na pinasukan nila sa Philippine Red Cross na inaayudahan ng isang talsik laway na senador.

Naramdaman ang panibagong bagyo na pumasok sa PhilHealth nang lagdaan ang Memorandum of Agreement sa Philippine Red Cross (PRC). Sa nasabing kasunduan, ang PRC ay magbibigay serbisyo sa pamamagitan ng Covid-19 swab testing sa lahat ng mga Filipinong nangangailangan nito, partikular ang mga OFW na kasapi ng PhilHealth.

Nang nilagdaan ang kasunduan, pumaimbulog agad ang malakas na hangin ng tumataginting na Php100M palabas sa bahay ng PhilHealth papunta sa PRC at hindi malinaw ang paggagamitan nito. Nagtuloy-tuloy ang pagbayo ng hangin hanggang umabot sa P700 milyon ang singilin ng Red Cross sa una.

Pero ayon sa may-ari ng bahay (PhilHealth), nakapagluwal na sila ng P504 milyon bilang bayad sa PRC.

Ayon sa Universal Health Care Law, may 60-araw ang pagproseso ng reimbursement simula sa oras na natanggap ng PhilHealth ang dokumento para sa bayarin. Ngunit dahil sa bagyo ni Senador Talsik Laway, hindi ito umaabot sa isang buwan at nababayaran na ng korporasyon.



Subalit mukhang hindi kontento ang senador at binanggit sa panayam na hindi ginagawa ng PhilHealth ang dapat ayon sa kasunduan. Dahil sa kalakasan ng hangin, maging si Totoy Kulambo’y pumasok na sa eksena upang tiyakin kay Senador Talsik Laway na aasikasuhin at mababayaran ng PhilHealth ang kanyang grupo.

Parang hindi tanggap ni Senador Talsik Laway na aabot pa sa dulo ng taon bago mabayaran. Ang nais nito’y mabayaran ng buo sa halagang sinisingil nito. Sapat na ba ang dokumento upang sabihin na ang sinisingil at ang bilang ng na-swab test ay nagtutugma?

O’ ito mismo ang laman ng kasunduan? May kumita ba dito nagtatanong lang po?

May isang mambabatas ang pumuna sa kasunduan ng PRC at PhilHealth. Ayon sa mambabatas, hindi pinahihintulutan ng batas ang PhilHealth na simulan ang anumang gawain ng isang institusyon na ibig pumasok sa kasunduan upang magbigay ng serbisyong pangkalusugan.

Subalit iba ang dala ng bagyong ito at hindi makaayaw ang dating pangulo ng PhilHealth na talagang nabraso dahil sa bilyon pisong oportunidad? Talagang napakalakas na bagyo nito, na kahit si Totoy Kulambo na himbing sa pagkakatulog ay tumayo upang di matangay ng malakas na hangin at nangakong babayaran ang anumang kulang ng ahensya.

Sa ganitong kalagayan, hindi lang malalakas na hangin kundi malalakas na kidlat ang tumama sa mga kawani ng PhilHealth dahil sa hindi inaasahan. Takot ang dala nito sa kanila dahil sa mga maaring paglabag nito sa UHC at maging sa mga findings ng COA na sila ang maiipit.

Dismayado ang mga kawani dahil sa imbestigasyon na naganap sa bilyon-bilyong anomalya. Nakitaan ng bagyong Morales at Duque ng oportunidad na pumasok sa isang kasunduan na kahit bawal ay ginawa upang malipat ang atensyon ng madla.

May pansamantalang paghupa sa bilyones na anomalya subalit patuloy ang mga malalakas na pagbayo at panggigipit sa korporasyon sa bayarin nito sa PRC. At susi ba ang pwesto bilang imbestigador ng anomalya sa isa pang anomalya?

O talagang what we are in power for? Sa huli, ang mga kawani ng pamahalaan ang siyang babalikat ng mga anomalyang wala silang magawa kundi sundin. Talagang nakakadismaya ang kalakarang ito.

Talagang nangangamba si Juan Pasan Krus sa mga kaganapan dahil dagdag alalahanin ito kung saan na naman uutang ang pamahalaan para sa pondong pambayad. Sa pagkakataong ito, mas malaki ang pangamba ng mga kawani ng PhilHealth, dahil sa lakas ng bagyo, malamang mabunot ang bahay nito at maiwan silang nakatunganga.

Ang masakit pa, binagyo na may pandemya pa. Sa ganitong kaayusan, natatakot ang mga rank-and-file na baka hindi lang kaso ang abutin at baka makulong pa dahil sa pansariling agenda ng mga opisyal.

Sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan, maging kaibigan, kaklase, kapwa abogado o taga Davao City, hindi ninyo pag-aari ang gobyerno. Huwag naman gawing palabigasan ang pamahalaan dahil si Juan Pasan Krus ang magdadala ng lahat ng inyong tiwaling gawain.

Si Mang Juan ay inyong tsuper, barbero, kawani, tindero’t tindera, mangingisda, magsasaka at ang buong balana. Alisin mo sa kanya ang pagiging dismayado kahit minsan.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com