Advertisers
TUMATAGINTING na P122.4 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride ang nakumpiska ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Drug Enforcement Group (DEG) ng Philippine National Police (PNP) ng operasyon sa Lungsod ng Taguig noong Oktubre 14.
Tapos, nakakuha uli ang PNP at PDEA ng P20.3 milyong halaga ng meth sa Taguig nitong Oktubre 26.
Sa P122.4 milyon, isang Ebrahim Dimakiling ang natimbog.
Nasakote ang 33-anyos na si Dimakiling malapit sa kanto ng Bayani Road at President Carlos Garcia Avenue (C – 5).
Sa P20.3 milyon, ang natiklo ay sina Jaynard dela Rosa Pamittan, John Jever Gujilde at isa pa na bata pa.
Silang tatlo ay nahuli sa parking area ng Market Market.
Walang binanggit ang sinumang opisyal ng PNP at PDEA na kasama sa listahan ng High Value Target (HVT) ang tatlo.
Pokaragat na ‘yan!
Gayunpaman, palakpakan natin ang mga tauhan ng PNP at ahente ng PDEA na totoong nagtrabaho upang masakote sina Jaynard, John Jever at iyong bata dahil kung hindi ay pihadong nakaraming patuloy winawasak ang katawan, pagkatao, buhay at kinabukasan.
Sana, maging aktibo at agresibo ang pulisya ng Taguig laban sa iligal na droga dahil ang totoo ay napakaraming biktima ng iligal na droga sa maraming barangay sa naturang lungsod.
Natalakay ko uli ang droga sa kolum kong ito dahil milyun-milyong halaga ang nakumpiskang shabu sa loob lamang ng labingdalawang araw ang pagitan na naganap sa Taguig.
Idagdag natin ang milyun-milyong halaga ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad sa Taguig sa panahong maraming limitasyon sa pagkilos ng tao dahil sa pag-iwas sa coronavirus disease – 2019 (COVID-19).
At walang dudang nangangahulugang napakalala ng iligal na droga sa Taguig.
Tiyak na magpapatuloy ito hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil ngayon ngang pangulo pa si Duterte ay hindi tumitigil ang drug syndicates sa pagbebenta ng iligal na droga.
Lumilitaw na hindi natatakot ang mga sindikato at maging ang kanilang mga dealer, pusher at runner sa pagbebenta ng iligal na droga kahit alam nilang agresibo at madugo ang operasyon ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ang nakadidismaya rito ay maging bata ang gamit-gamit ng sindikato sa kanilang iligal na negosyo.
Ang tanong: “Bakit napakalakas pa rin ng kanilang loob kung madugo pa rin ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga?”