Advertisers

Advertisers

Honoraria ng poll workers sa 2023 BSKE, itinaas sa hanggang P10,000 – COMELEC

0 79

Advertisers

SINABI ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na itinaas na sa P10,000 ang honoraria para sa mga poll workers na magsisilbi sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, mula sa P6,000 at P5,000, ay ginawa nilang P10,000 at P9,000 ang honoraria na ipagkakaloob sa chairman at mga miyembro ng electoral boards.

Ang pondo para sa pagtataas ng honoraria ay mula sa savings ng Comelec.



“Ibig sabihin, tinaasan natin base sa aming naipon at natipid sa mga procurement natin,” ayon pa sa isang ambush interview.

Samantala, ang mga poll workers naman sa mga lugar, kung saan magdaraos ng plebisito, gaya ng Bulacan, ay makakatanggap ng karagdagang P2,000.

Nasa P2,000 rin ang halagang idaragdag sa mga poll workers sa Naga at Muntinlupa, kung saan magkakaroon ng early voting hours para sa mga senior citizens, persons with disabilities, at mga buntis.

Nabatid na ang isang DepEd Supervisor Official (DESO) naman ay makakatanggap ng P9,000 para sa pagsisilbi sa halalan habang P5,500 naman ang matatanggap ng mga support staff.

Makakatanggap ng P500,000 na death benefit ang mga masasawi sa election-related risk habang makakatanggap naman ng hindi lalampas sa P200,000 na medical assistance ang mga magtatamo ng election-related injury o illness.



Mayroong 823,539 poll workers ang magsisilbi sa 2023 BSKE na idaraos sa Oktubre 30. (ANDI GARCIA)