Advertisers
KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng 14-anyos na dalagita na posibleng nanlaban sa tangkang panggagahasa sa kanya, natagpuan ang katawan na basag ang mukha at sinadyang itago ang bangkay nito sa masukal na lugar ng Barangay Tula-tula Grande, Albay, Sabado ng gabi.
Sa ulat, 1:00 ng hapon ng Huwebes, nakita si Nene, ‘di tunay na pangalan, sumunod sa kanyang mga kaibigan sa kakahuyan para maghanap ng nahulog na niyog sa puno.
Gayunman, ilang sandali bumalik na ang mga kaibigan pero hindi kasama ang biktima at bigo ‘di narin nakabalik sa kanilang tahanan.
Naalarma ang kanyang pamilya nang gumabi na at hindi pa nakakauwi ang dalagita kaya humingi na sila ng tulong sa barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman Jomar Sy at sa City Disaster Risk Reduction Management Office para hanapin ang nasabing biktima.
Dakong 11:00 ng gabi, laking gulat at panlulumo ng lahat nang nakita ang tsinelas ng biktima at damit, at ‘di kalayuan sa batis ay natagpuang patay ito na basag ang mukha, pinaniniwalaang binagsakan ng bato.
Sinadya pang itago ang bangkay ni Nene dahil sa tinabunan ito ng mga damo at bato.
Sa autopsy sa bangkay ng biktima, lumalabas na hindi nagalaw ang pagkababae nito pero may posibilidad na tinangka siyang gahasain subali’t nanlaban kaya siya pinaslang.