Advertisers
NAGLUNSAD ng Brigada Eskwela sa Tibagan High School sa Barangay East Rembo ang pamahalaang lokal ng Taguig City at siniguro na mabibigyan ng school supplies ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na nasasakupan ng mga barangay sa ‘Embo’.
Ang nasabing paaralan ay personal na binisita ni Taguig City Mayor Lani Cayetano kung saan ay nakiusap siya sa mga magulang at estudyante na bigyan sila ng panahon para maibigay ang mga gamit pang-eskuwela.
Pagbabahagi ng alkalde na hiningi na nila ang mga kinakailangang datos na may kaugnayan sa mga programang pang-edukasyon mula sa pamahalaang-lungsod ng Makati, ngunit ilang linggo na ang lumipas ay wala pa silang natatanggap na tugon.
Sinabi ni Mayor Lani na sa kanilang sariling inisyatibo ay hinahanap nila ang mga magulang at estudyante upang makuha ang sukat ng kanilang katawan para sa tamang sukat ng uniporme na ibibigay sa estudyante.
Naging madamdamin ang naging pahayag ni Cayetano dahil maging ang mga mag-aaral ay nadadamay sa isyu, ngunit pagtitiyak ng Alkalde na gagawin nila ang lahat para ang mga ibinibigay sa mga mag-aaral ng kanilang lungsod ay matatanggap din mga mag-aaral sa “Embo public schools.”
Ipinaliwanag din ni Cayetano na may kautusan na ang Department of Education (DepEd) na naglilipat sa mga apektadong eskuwelahan sa pangangasiwa ng DepEd – Taguig – Pateros mula sa DepEd – Makati City.
Kamakailan ay dinaluhan ni Mayor Lani at ilan sa kanyang mga opisyal ang pagpupulong sa DepEd Main Office, gayundin si Makati City Mayor Abby Binay at ilan ding mga opisyal kung saan ay nalinawan ang mga ito. (JOJO SADIWA with photos by: CESAR MORALES)