Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
SIYAM na taon nang celebrity endorser ng Nailandia si Marian Rivera. Aminado si Noreen Divina, may-ari ng Nailandia, na nakilala nang husto ang kanilang nail salon at foot spa chain mula noong naging endorser nila si Marian simula noong taong 2014.
“Napakabait ni Marian,” bulalas pa ni Noreen.
Ano ang napansin niya agad sa una nilang pagkikita at pagkakakilala ni Marian?
“Ay napakabait! To think na nandun na siya sa stature na Marian Rivera, di ba? Napakabait.
“Parang, ‘Totoo ba ‘to? Artista ba ‘to? Superstar ba ‘to?
“Parang ganun. Ambait-bait niya, napaka-down-to-earth.
“At napakaganda!
“At nung na-meet ko siya may show siya sa GMA, yung Marian, ay naku, naka-tank top, dyusko ganyan lang yung waist, napakaliit, grabe!”
Host si Marian noong 2014 ng kanyang sariling musical variety show sa GMA na may titulong Marian.
Masaya si Noreen na tumagal ng siyam na taon ang samahan nila ni Marian, hindi lamang bilang negosyante at endorser, kundi bilang magkaibigan.
“Actually yung relationship namin ni Marian, hindi na more on business.”
Ilang beses na raw niyang napatunayan ang kabaitan at pagiging totoong tao ni Marian, lalo na nitong panahon ng pandemya.
Pinagkukuwento namin si Noreen tungkol dito pero mas minabuti na lang niyang isekreto kung ano ang tinutukoy niya.
“Basta ang masasabi ko, hindi na lang business ang relationship namin ni Marian, friendship na.
“Our business relationship has transcended into a strong and deep friendship,” nakangiting wika pa ni Noreen na ang co-owner ng Nailandia ay ang mister niyang si Juncynth Divina.
***
KONTRABIDA, maldita si Zoey, na ginagampanan ni Kazel Kinouchi sa kapwa niya doktora na si Analyn Santos na ginagampanan ni Jillian Ward bilang bida sa Abot Kamay Na Pangarap ng GMA.
At kilala ang karamihan sa mga Pinoy telenovela fans na mabilis maapektuhan ng kanilang napapanood, marami ang galit kay Zoey/Kazel.
Naranasan na ba ni Kazel na makaharap ng mga bayolenteng fans kapag nasa pampublikong lugar siya?
“Fontunately, wala pa naman po akong na-e-experience na ganun kasi hindi pa naman ako masyadong lumalabas,” at tumawa ang aktres.
“Pero malay natin baka pag lumabas ako may mga ganun,” at muling natawa si Kazel. “Pero nung huli po kaming nag-mall show sa Pampanga po meron pong caught on video na yung mga tao, ‘Oh Zoey huwag mo nang awayin si Annalyn’, may mga ganun.
“Pero yung manakit naman po physically, wala pa naman pong ganun.”
Ayon pa rin kay Kazel, hangga’t maaari ay iniiwasan niyang magbasa ng hate comments laban sa kanya, pero hindi ba pagpapatunay ang mga galit na reaksyon sa kanya na isa siyang epektibong artista dahil nga maraming galit sa karakter niya bilang Zoey?
“Oo nga po, e! Actually nagbabasa rin naman po ako, siyempre gusto kong makita kung ano yung insights nila, pero pag medyo ano na… nagiging heavy na, I stop reading na po.
“So hindi mo rin maiiwasang makakita ng comments, kasi if it’s not live naman po or clips all over social media, nasa Tiktok, nasa Facebook, so ayun po,” sinabi pa ni Kazel.