Advertisers

Advertisers

9 PULIS-CAVITE SIBAK SA PANGRARANSAK SA BAHAY NG RET. PROF!

0 247

Advertisers

SINIPA na sa pwesto ng Police Regional Office Calabarzon ang siyam na miyembro ng Cavite City Police Station na sangkot sa pangraransak sa bahay ng 67-anyos na babaeng dating propesora na sangkot umano sa ilegal na droga sa Imus, Cavite.

Sa report sa Kampo Krame ni PRO Calabarzon Regional Director, Brigadier General Carlito Gaces, kabilang sa inalis sa pwesto ang team leader ng Station Drug Enforcement Unit na si Major Alexes Tuazon.

Sa kuha ng CCTV footage sa labas ng bahay ni Rebecca Caoile sa Barangay Alapan 1-A, makikita ang pagdating ng mga pulis at puwersahang sinira ang pinto para makapasok.



Mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Unit ang mga pulis na nagsasagawa ng buy-bust operation laban kay Caoile, retiradong college professor.

Mag-isa lang si Caoile sa bahay at madidinig ang paghingi niya ng tulong habang tinatangka pa ng mga pulis na mapasok ang kaniyang bahay.

Makikita na may pulis na naghahalungkat sa nakaparadang motorsiklo sa labas ng bahay. Nang makapasok ang mga pulis, makikita na may bitbit na silang gamit ng lumabas. Bitbit rin nila si Caoile.

Ayon kay Cavite PPO director Colonel Bernard Christopher Olazo, nakita niya ang nag-viral na video.

“Nakita po natin na pagkatapos nila mag-conduct ng operation, nagawa nilang pagnakawan pa yung nahuli nilang suspek sa ilegal na droga,” ani Olazo.



Ayon kay Juan Caoile, anak ng dinakip na dating propesora, tinangay ng mga pulis ang pera niyang P80,000, laptop, at tools.

Nagtanim aniya ng droga ang mga pulis na ginawang ebidensiya, at wala rin search warrant ang grupo.

“Tinalo pa nga ho nila ang kriminal kasi ang kriminal hindi ganoon magnakaw patago. Eh sila, harap-harapan. Broad daylight,” ani Juan.

Itinanggi ng Imus City Police ang mga alegasyon, iginiit na nasa barangay drug watchlist ang retiradong propesora.

Mahigit P100,000 na halaga umano ng shabu ang nakuha sa biktima.

Gayunman, nakalagay sa “spot report” ng mga pulis na ginawa ang buy-bust operation August 2 ng 8:00 ng gabi. Pero makikita sa CCTV footage na maliwanag pa nang mangyari ang pagsalakay.

Sinabi ni Lieutenant Colonel Michael Batoctoy, hepe ng Imus Police, natanggap na niya ang relief report.

Pansamantalang inilipat ang grupo ni Tuazon sa Provincial Administrative and Resource Management Unit.

Ni-recall narin ang armas ng mga pulis habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PRO Calabarzon.

Tiniyak ni Gaces na hindi niya kukunsintihin ang maling gawain ng police scalawags at sa katunayan, nakahanda na ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga dawit na pulis.

Ayon kay Olazo, patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa insidente.