Advertisers
MULING pumuntos si Boy Pektus sa ginanap na talakayan sa LGU mula sa Gitnang Luzon hinggil sa usapin ng baha higit ang sa Bulacan at Pampanga. Pansin ang pagiging bukas sa mga mungkahi ng mga kausap kahit basa sa mukha ang pagka-irita sa ilang LGU lider na sarado sa usapin na kung paano malulutas ang baha sa GL. Hindi tanggap ng kinatawan ng mga LGU ang paliwanag ng dating kalihim ng DPWH na si Babes Singson (Aquino Administration) sa mungkahi na gamitin ang Ilat ng Candaba bilang isa sa paglalagakan ng tubig galing sa itaas ng bundok na bumababa sa kapatagan na sanhi ng pagbaha. Hindi tanggap ang mungkahi sa dahilang ang lugar na nabanggit ang isa sa ginagamit na food security ng lalawigan. At maging sanhi ng mas malaking baha sa lalawigan sa darating na panahon. Malawak na taniman ng palay ang Candaba na umaabot sa 9,000+ magsasaka ang nagtatanim dito. Ayon sa kinatawan ng Pampanga, mawawalan ng hanap buhay ang mga magsasaka kung gagawing lagakan ng tubig mula sa itaas ng kabundukan ang Ilat ng Candaba. Sa harap ni Boy Pektus sinabi na nagsimula ang HUKBALAHAP sa nasabing lugar at handa ang mga ito na mag-walk-out sa nasabing talakayan.
Matalas ang binitiwang salita ng kinatawan ng Pampanga ngunit kinakitaan ng pagkamahinahon si Boy Pektus at ipaliwanag ang sinasabi ng dating kalihim. Dahil malakas ang dating ng kausap, hiningian ng solusyon kung paano gagawin upang maiwasan ang pagbaha at paano magagamit ang Ilat ng Candaba upang maibsan ang pagbaba ng tubig at putik na nagpapababaw sa nasabing Ilat. Nabanggit ng kinatawan ang “dredging” sa Ilat ng lumalim at lumaki ang kakayanan ng ilat. At ‘di mawalan ng kabuhayan ang mga taga Candaba. Sa nasabing punto ipinaliwanag ni Boy Pektus base sa pag-aaral ang nasabing paraa’y tila sagot sa nakaraan at may kamahalan. Ang pagtatayo ng lagakan ang pangmatagalang solusyon sa problema sa harap na nagpapalit na klima sa mundo.
Masidhi ang pagtutol sa balak ng pambansang pamahalaan sa paggamit ng Ilat ng Candaba bilang lagakan ngunit hindi nawalan ng pasensya ang punong ehekutibo’t ipinaliwanag ang solusyon na gagawin. Sa totoo lang may katagalan na ang usapin higit ang pagkakalbo sa kabundukan na dahilan ng pagbaba ng tubig at lupa mula sa kabundukan. Mamamalas ang pagka irita ngunit naroo’t nakikinig sa mungkahi. Sa kawalan ng malinaw na mungkahi, ang inaral ng eksperto ang siyang gagawin. At lumabas ang mga nakapilang proyekto na maiibsan ang problemang hinaharap ng rehiyon.
Sa kaganapang pagpupulong, hindi maalis na matuwa dahil sa ipinamalas na pasensya ni Boy Pektus na masasabing may kagalingan sa likod ng pagkairita sa mga kausap. Tunay na natututo si Boy Pektus sa mahusay na pagdadala ng usapan. Matindi ang mga binitiwang salita ng kinatawan ng lalawigan ngunit ‘di ito naging dahilan upang mawala ang tuon ng usapin si Boy Pektus. Ang magawa ang solusyon sa usapin ang tamang asta na nagpapasya sa mga nakasama sa talakayan. Sa kabilang banda lumalabas na may kaarogantehan ang kinatawan ng lalawigan sa harap ni Boy Pektus na nagpakita ng walang paggalang. Hindi inaasahan ang mga bangit na salita ng isang opisyal ng bayan kung kaharap ang lider ng bansa.
Sa totoo lang, maganda ang ipinamalas ni Boy Pektus sa kabila ng maanghang na salita na binitawan ng mga kausap. Ang kabukasan ng isip at pagtanggap sa mga solusyon inihahain ang tangap. At pagtiyak na magagawa ang proyekto sa lalong madaling panahon. Maganda ang pagtangap sa mga mungkahi at ang pagbanga sa mga nakasulat na solusyon ang nagpatingkad sa maayos na kinalabasan ng talakayan sa usapin sa Gitnang Luzon.
Sa totoo lang, umusbong ang magagandang hakbang ng pamahalaan sa pagsalubong sa mga pagbabago ng klima sa mundo. Ang pagtatayo ng kagawaran hinggil sa tubig ay magandang panukala na mapapakinabangan ng bansa. Nasa tamang panahon na magkaroon ng isang kagawaran na mangangasiwa ng tubig sa buong bansa. Inaasahang magaganap ang paggamit ng tubig ulan sa maraming pangangailangan. At higit ang pagbaba sa presyo nito. Ang tubig na karaniwan sa bansang ito’y magagamit ‘di lang sa inumin, sa sakahan higit sa magagamit ang katubigan sa pagkakaroon ng kuryente sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa totoo pa rin, may kadalasan na marubdob ang talakayan na kinakaharap ni Boy Pektus na nagpapatalas dito. Masasabing tila nabubulol sa sagot ngunit maayos na nasasabi higit kung napag-aaralan ang usapin. Ang pagharap sa tanong ng media at batuhan ng mabigat na tanong ay kailangang sagutin ng may kagalingan. Tandaan na dala ang posisyong hinahawakan at inaasahan na masasagot ang anumang katanungan sa usapin na si BP ang tuwirang tutugon. Ang aralin ang mga usaping pinupuntahan ang tamang asta upang ‘di malagay sa alanganin kung may biglaang tanong. Asahan ang pagkakaroon ng sitwasyon na ‘di hawak na ikaiirita ngunit ang tamang paghawak ang siyang ikasisiya. Maraming nasabakang talakayan si Boy Pektus at paniniwala na unti-unting natutunan ang paghawak ng tama sa sitwasyon.
Sa totoo lang, lumalaki ang kumpiyansa ni Mang Juan kay Boy Pektus higit sa talakayan na nagsasabi ng mga balakin. Ngunit ang kumpiyansang bangit hanggang sa talakayan pa lamang dahil wala pang naipamamalas sa gawa. Marami pa ang dapat gawin ng ang kumpiyansang tangan sa talakayan ay maramdaman ng bayan. At sa pagbaba sa bayan ng mga nababangit, marubrob na tatangapin ‘di lang ang mga sinabi higit ang gawa ng tao na nagpapatupad nito.
Sa ipinamalas na marubdob na talakayan sa Gitnang Luzon, inaasahan na masusundan ng marami at mas mainit na talakayan. Habang sa kabilang banda, inaasahan na ang paghahanda’y gagawin at huwag magpakampante ng tumaas ang pananaw ni Mang Juan. Sa pagkakataon na magawa ang mga sinasabi, ang mga kritiko’y mawawala at baka sumaludo. Sa totoo lang, tumataas ang puntos na ibinibigay kay Boy Pektus ni Mang Juan, at ang nakalulugod patataasin ito ng gawa ang siyang lilimot sa batik ng nakaraan. Ang mahusay na paghawak sa marubdob na talakayan at ang inaasahan gawa ang siyang inaasam ni Mang Juan sa darating na panahon.
Maraming Salamat po!!!