Mayora Honey, namigay ng P10K na ayuda sa nasunugan sa Port Area

Advertisers
NAMAHAGI si MANILA Mayor Honey Lacuna ng ayudang pinansyal sa daan-daang pamilyang nasunugan kamakailan sa Port Area, Manila.
Minsan pa ay nanawagan si Lacuna called sa mga biktima ng sunog na unahin ang kanilang sariling buhay at gayundin ang kanilang mahal sa buhay sa halip na ang kanilang mga kagamitan dahil napapalitan ang mga ito, pero ang buhay ay hindi.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga residente na maging maingat sa mga bagay na maaring maging dahilan ng sunog tulad ng napabayaang appliances o nakasinding kandila.
“Walang may kagustuhan na tayo ay masunugan pero katulad ng lahat ng Pilipino, tayong mga Manilenyo ay babangon at babangon, anumang sakuna ang mangyari sa atin at ang inyong pamahalaan ay inyong kaagapay upang makabangon muli,” paninigurado ng alkalde.
Idinagdag din niya na : “Pipilitin naming kayo ay matulungan pa sa mga susunod na araw.”
Sinabi ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso na may 375 pamilya at 14 unattached individuals ang tumanggap ng P10,000 bawat isa.
Ang nasabing halaga, ayon pa kay Fugoso ay inaasahang makatulong sa mga naapektuhang pamilya para makapagsimulang muli.
Matatandaan na noong unang linggo ng Agosto, ay may 60 kabahayan ang nilamon ng apoy sa Tamburong, Barangay 650, Port Area, Manila. Ang sunog ay tumagal ng limang oras bago naapula.
Base sa ulat, nagsimula ang sunog dakong 4:57 p.m. sa bahay ng isang Diosa Aggabab. Umabot ng fourth alarm ang sunog at nadeklarang fire-out ganap na 9:49 p.m.
Ang apoy ay mabilis na kumalat sa residential area kung saan ang mga bahay ay gawa sa light materials.
Walang iniulat na namatay o nasaktan at inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng nasabing sunog. (ANDI GARCIA)