‘ANG BABOY N’YO!’: Dalagita inasawa ng sariling ama, tiyuhin at lolo sa Cotabato; magkapatid ni-rape ng ama sa Rizal
Advertisers
KAAWA-AWA ang sinapit ng isang dalagita nang gahasain ito mismo ng kanyang sariling ama, tiyuhin at lolo mula 2021 sa kanilang tahanan sa Magpet, Cotabato.
Nadakip ang isa sa mga nambaboy sa 15-anyos na biktima, kanyang 74-anyos na lolo, habang tinutugis pa ang ama at tiyuhin.
Mismong ang hepe ng Magpet Municipal Police Station na si Major Rolando Dillera, Jr. ang nagkumpirma nitong Biyernes, August 4, 2023, na nasa kustodiya na nila ang mismong lolo ng biktimang menor-de-edad na nasa pangangalaga na ngayon ng social welfare office ng Magpet local government unit.
Ang ina ng biktima ay nagtatrabaho sa abroad o overseas Filipino worker.
Ayon kay Dillera, nagtutulungan ngayon ang kanilang mga operatiba at local government officials sa paghanap sa ama at tiyuhin ng biktima na agad na nagsipagtago nang malamang nakapagreklamo ang dalagita sa pulisya sa tulong ng ilang kamag-anak.
Naglabas nitong Biyernes ng direktiba si Brigdier General Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, para sa Cotabato Provincial Police Office na tulungan ang Magpet MPS sa paghahanap sa dalawa pang rape suspects para mabigyan ng ganap na hustisya ang biktima.
@@@
TIMBOG naman ang isang tatay na humalay sa kanyang dalawang dalagang anak sa lalawigan ng Rizal.
Kinilala ni Lt Colonel June Abrazado, hepe ng Antipolo Police, ang suspek na si Carlito Sacdalan alyas
“Tolits”, 38 anyos, na hindi pumalag nang makorner ng tracking team sa kanyang hideout sa Barangay San Luis, Antipolo City, Miyerkoles ng hapon.
Nabatid na number 3 Most Wanted Person sa Regional Level ng Calabarzon region si Sacdalan, at suspek sa panghahalay sa dalawang anak na dalaga, na nahaharap sa limang bilang ng kasong ‘statutory rape’ at ‘qualified rape’.
Nag-viral ang video clips sa social media na ang anak nitong 17 at 12 anyos ay hinalay ng kanilang ama habang ang nanay nila ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ng isa sa mga biktima na nang umalis ang kanilang ina noong 2016 para magtrabaho sa abroad, inumpisahan na silang halayin ng ama sa kanilang bahay sa Antipolo City.