Advertisers
ISANG empleyado ang sugatan at aabot sa P9 milyong halaga ng alahas ang nakulimbat ng mga armadong lalaki na nanloob sa isang sanglaan sa Cagayan de Oro City, Miyerkules ng umaga.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang mga motorsiklo na nakaabang sa tapat ng sanglaan sa J.R. Borja St. na sinalakay ng nasa anim na armadong lalaki.
May bonnet at takip sa mukha ang mga nanloob, na ang isa ay nakitang armado ng mahabang kalibre ng baril.
Madali na nalooban ang sanglaan dahil wala itong guwardiya, at hindi na nakaporma ang mga guwardiya sa katabing negosyo dahil narin sa matataas na kalibre ng baril na hawak ng mga magnanakaw.
Isang empleyado ang nasugatan nang tamaan ng bala sa tiyan nang barilin ng mga kawatan ang kandado sa pintuan.
Hinihinala ng mga awtoridad na minanmanan ng mga kawatan ang operasyon ng sanglaan.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis sa krimen.