Advertisers
HABANG pabaon nang pabaon sa utang ang Pilipinas, nagtatamasa naman ang mga opisyal ng pamahalaan sa napakalalaking suweldo at allowances, maging ang pangulo ay walang pakundangan kung humirit ng bilyones na budget para sa kanyang travel expenses, intelligence at confidential funds.
Oo! sa 2022 report ng Commission on Audit (CoA), nangunguna sa mga opisyal na nagtamasa ng napakalalaking sahod sina dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla at Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ayon sa CoA, si Medalla ay kumamal ng kabuuang P9.3 million sa kanyang basic salary bilang BSP governor sa loob ng anim na buwan at bilang Monetary Board member ng 3 buwan. Nakatanggap siya ng kabuuang P24,000 sa kanyang honorariums; P11.8m sa kanyang allowances; P11.8m bonuses, incentives at benefits; at discretionary, extraordinary at miscellaneous expenses (EME) na higit P1m. All in all P34.1 million. Lupet!!!
Si Diokno naman ay nagbulsa ng P7.6 million sa kanyang basic salary bilang BSP governor sa ilalim ni dating Presidente Rodrigo Duterte at bilang finance secretary ni President “Bongbong” Marcos, Jr.
Nakakuha rin siya ng honorariums katulad ng kay Medalla. Nakatanggap din si Diokno ng P7.2 million allowances, at kabuuang P11.5 million mula sa kanyang bonuses, incentives at iba pang benepisyo, P89,000 na nakatala bilang emoluments at kanyang discretionary/EME na nagkakahalaga ng P2.19 million. Sa kabuuan ay P28.8 million!
Ang walong pang government officials na may nakakalulang sahod at benepisyo mula sa central bank ay sina Monetary Board member Anita Linda Aquino (P26.3m), Monetary Board member Victor Bruce Tolentino (P25.7m), BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier (P25.1m), Monetary Board member Peter Favila (P24.4m), Monetary Board member Antonio Abacan Jr. ( P24m), BSP Senior Assistant Gov. at General Counsel Elmore Capule (P22.4m), BSP Deputy Gov. for monetary and economics sector Francisco Dakila Jr. (P22.3m), at BSP Assistant Gov. Edna Villa (P20.9m)
Sa kabilang banda, para sa taon 2024, si Pangulong Marcos, Jr. ay humirit ng travel expenses na P1.4 billion! Ang kanyang 2023 travel expenses ay P893.87m!
Ang rason dito ng Department of Budget ay kailangan daw bumiyahe nang bumiyahe sa ibang bansa si PBBM para gamutin ang mga nasirang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa gawa ng nakaraang administrasyon! Tsk tsk tsk… Kasalanan pala ito ng “Tatay” nyo eh!
Sa totoo lang, mga pare’t mare, kaya lumalaki ang travel expenses ng Pangulo ay dahil sa napakaraming isinasama na hindi naman kailangan sa pakikipag-usap sa mga lider ng ibang bansa. Mismo! Onli in da Pilipins!
Eto pa! Humirit rin si PBBM ng intelligence fund na P5.28 billion at P4.86 billion confidential fund! Ang mga pondong ito ay hindi po nau-audit! Kaya hindi natin alam kung saan ito nilulustay ng Pangulo.
Panahon ni Duterte, ang kanyang intel fund ay P2.25 billion at ang confidential fund ay P2.25 billion sa taon 2021.
Look! Nung huling taon ng termino ni late PNoy, ang kanyang intel at confidential funds ay P500 million lamang. Ang utang ng Pinas ay P5.94 trillion lamang.
Pagpasok ni Duterte ng 2016 at natapos ng 2022, ang utang ng Pinas ay lomobo ng P12.79 trillion.
Ngayon, sa unang taon palang ng termino ni PBBM ay lomobo agad sa P14.15 trillion ang utang nating lahat!
Anong masasabi n’yo, mga pare’t mare?