Advertisers
TINATAYANG nasa 400 ang nagpositibo sa coronavirus sa isinagawang free mass swab testing kamakailan ng pamahalaang lokal ng Maynila sa mga drivers ng pedicabs, tricycles, jeepneys at e-trikes, public market vendors at empleyado ng malls, hotels, restaurants at supermarkets.
Ito ang ibinunyag mismo ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabing ito ay mula sa kabuuang 5,000 na sumailalim sa mass swab testing kaugnay na rin ng ipinalabas niyang executive order na naglalayong protektahan ang mas nakakararaming mamamayan laban sa virus at pigilan ang pagkalat nito.
Ayon kay Moreno, ang mga nagpositibo ay agad na inasikaso at kasalukuyan ng mino-monitor at ginagamot, kaya naman naisipan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan na magkaloob ng food assistance para sa loob ng 14 araw sa pamilya ng mga nagpositibo.
“Hindi marangya, pero hindi magugutom ang pamilya nila,” pahayag ni Moreno sa food assistance na binubuo ng isang sakong bigas at grocery items, na agad rin ipinag-utos ang distribusyon.
Ayon sa alkalde ay marami sa mga nagpositibo sa mass swab testing ay breadwinner ng kanilang pamilya at nag-aalala kung saan sila kukuha ng kanilang kakainin sa panahong sila ay ginagamot. Ito rin ang dahilan ng iba kung bakit nag-aalangan na sumailalim sa swab test.
Ikwinento ni Moreno ang kaso ng isang breadwinner na ginagamot at ang pakikipag-usap ng pasyente sa kanyang ama. Sinabi ng pasyente sa kanyang ama na huwag ng mag-alala dahil pinadalhan na sila ng pamahalaang lokal ng supply ng pagkain para sa dalawang linggo.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, susubukan naming akapin ang mas marami. Pag di na namin kaya, magsasabi kami,” pahayag ni Moreno, nang pasinayaan nila ni Lacuna ang newly-renovated at pinalawak na quarantine facility sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Binuksan nina Moreno at Lacuna ang nasabing pasilidad kung saan ang bed capacity ay dinagdagan at umabot na sa 66. Ito ay matapos ang inagurasyon ng San Andres Sports Complex quarantine facility kung saan ang bed capacity ay dinagdagan din at pinatatag ang pasilidad.
Ang free swab testing ay nakapaloob sa executive order ng alkalde na layuning protektahan ang napakaraming mamamayan sa lungsod laban sa coronavirus at pigilan ang pagkalat nito.
Sinabi pa ni Moreno na wala ng dapat ipangamba ang mga residente na kapag sila ay lumabas para magtrabaho, ay mahahawa sila ng virus sa mga tsuper ng jeepney o mga empleyado ng mga service-oriented establishments, dahil ang mga ito ay sumailalim na sa swab testing. (ANDI GARCIA)